Ni Aaron Recuenco

Ituturing n’yo ba ito bilang ika-11 Utos para sa mga pulis?

Bilang isang hamon sa kanilang katatagan laban sa temptasyon na lumingon kay Pope Francis, ipinagbawal ng liderato ng Philippine National Police (PNP) sa mga itinalagang police security na ibaling ang kanilang paningin sa papal convoy upang matiyak ang seguridad ng lider ng Simbahang Katoliko.

Noong Miyerkules, nakatikim ng parusa ang isang grupo ng pulis na itinalaga sa motorcade security ng Papa mula sa Tacloban City patungong Palo matapos utusang mag-push up dahil sa pagsuway sa direktibang ito.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Sinabi ni Chief Supt. Asher Dolina, commander ng police unit na magbibigay seguridad sa Papa sa Leyte, na siya ang nagpataw ng parusa matapos niyang namataan na lumingon ang mga naparusahang pulis sa kanilang convoy, sa isinagawang dry-run ng awtoridad sa ruta ng papal convoy sa Leyte.

“Hindi lang nila tinalikuran ang mga taong dapat nilang bantayan, nagdaldalan pa sila habang dumaraan ang convoy,” pahayag ni Dolina.

“Pinag-push up ko sila bilang parusa at pinaalalahanan na dapat silang mag-concentrate sa kanilang trabaho,” dagdag ni Dolina.

Isang pulis ang itinalaga sa kada limang metro sa magkabilang panig ng kalsada sa ruta ng papal motorcade mula Tacloban patungong Palo sa Sabado. Mahigpit ding ipinagbawal sa mga pulis ang “mag-selfie” gamit ang kanilang cell phone.

Ang direktiba sa mga pulis ay humarap sa mga tao at huwag lumingon sa pagdaan ng papal convoy upang hindi masalisihan ng masasamang elemento.

“Puwede silang lumingon kung kinakailangan. Ang layunin natin ay tumutok siya sa trabahong iniutos sa kanila,” giit ni Dolina.

Mahigit sa 9,000 pulis ang magbibigay-seguridad kay Pope Francis sa isang araw na pagbisita niya sa mga nasalanta ng super typhoon ‘Yolanda’ sa Leyte sa Sabado. Bukod dito, aabot din sa 4,000 sundalo at libu-libong civilian volunteer ang tutulong sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa lugar.