Sisiguruhin ng Philippine Sports Commission (PSC) na magiging moderno, sopistikado, siyentipiko at makabagong National Training Center ang itatayo sa Pampanga.

Ito ang sinabi ni PSC Chairman Richie Garcia kung saan ay nakahanda na ang isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng ahensiya at nagmamay-ari ng kinatitirikan ng lupain sa Clark International Airport Center (CIAC) upang lagdaan ang kasunduan.

“Nakasaad sa draft agreement na rerentahan ng PSC ang lugar for P1 a year for 25 years renewable for 25 years. Whatever improvement na isasagawa doon will be discuss pa,” sabi ni Garcia.

Sakaling mapormalisa ang kasunduan sa pagitan ng PSC at CIAC ay sisimulan na ng ahensiya ang paglilipat at pagpapagawa sa modernong training center bagamat wala pa itong direksiyon kung saan kukuha ng pondong ipantutustos sa pagpapatayo sa pasilidad.

National

DepEd, balak pasimplehin ang Senior High School curriculum

Hinihintay pa rin ng PSC ang desisyon ng Department of Justice (DoJ), partikular kay Justice Secretary Laila De Lima, hinggil sa hiningi nilang opinyon para sa paglilipat ng karapatan sa mamamahala sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC).

“We are still waiting for the DoJ for guidance. Mahirap naman na makipag-negotiate kami tapos hindi pala puwede base sa batas eh kami ang mababalikan. Until the DoJ decide and explain to us if within the PSC ang power to sell, to lease or to negotiate at kung sinabing hindi puwede, we will look at the next option,” pahayag ni Garcia.

Sakaling hindi makakuha ng pondo para sa posibleng paglilipat o pagbebenta sa Rizal Memorial Sports Complex patungo sa makabagong national training center, aasa na lamang ang ahensiya sa batas na itinutulak ng Kongreso o sa pagtatakda ng kaukulang pondo ni Pangulong Noynoy Aquino.

“We’ll taking it one day at a time,” giit ni Garcia.

“But the most important document is the DoJ decision. We were informed that the DoJ is now doing an extensive study on the matter and hopefully makapag-start na tayo para makalipat dahil talagang hindi na magandang training venue ang Rizal,” dagdag pa nito