Idagdag na ang volleyball sa mga national sports association na may dalawang liderato.

Ito ay matapos na buuin at kilalanin ng Philippine Olympic Committee (POC) ang bagong pederasyon na siyang mangangasiwa sa volleyball at tuluyang alisin ang dating pinag-aagawang asosasyon na Philippine Volleyball Federation (PVF).

Inihayag ng isang opisyal na ang bagong pederasyon ay kikilalanin sa pangalang Larong Balibol ng Pilipinas (LBP) na siyang susuportahan ng POC, Asian Volleyball Confederation (AVC), International Volleyball Federation (FIVB) at stakeholders ng sports na Philippine Superliga, Shakey’s V-League, UAAP at NCAA.

Idinagdag ng opisyal na nakatakda ding ipadala ng FIVB ang isang authorization letter na magbibigay ng recognition at lehitimong pagkilala sa pagbuo ng bagong pederasyon at maging ng isang representante na siyang magiging saksi sa isasagawang pagkilala sa bagong asosasyon matapos ang pagbisita ni Pope Francis.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Hindi pa ibinunyag ng opisyal ang magiging opisyal ng asosasyon bagamat pansamantalang uupo si POC 1st vice-president Joey Romasanta bilang pangulo ng LBP habang ang mga representante mula sa volleyball stakeholders ang inaasahang pupuno sa iba pang puwesto.

“It’s almost a done deal,” sinabi ng opisyal na parte sa pagbuo ng bagong asosasyon bagamat limitadong ihayag ang iba pang detalye. “The formation of the new association will be done within this week. Everything is already okay, including the approval of Mr. (POC president Jose) Cojuangco. We’re just waiting for the authorization letter from the FIVB then we can proceed with the press launch.”

Napag-alaman pa sa opisyal na ilang manlalaro ang tinukoy upang maging bahagi sa paglahok ng bansa sa gaganaping Asian U23 Women’s Volleyball Championship at 28th Southeast Asian Games na pumayag naman na maging kasapi ng asosasyon matapos makipagpulong kay national coach Roger Gorayeb at Sammy Acaylar.

Ang 28th SEA Games volleyball team ay bubuuin nina Mary Jean Balse, Rachel Ann Daquis at Jovelyn Gonzaga na mula sa Philippine Army (PA) na sasamahan ng magkapatid na sina Dindin at Jaja Santiago ng National University (NU), Kim Fajardo, Ara Galang at Mika Reyes ng De La Salle University (DLSU) at Alyssa Valdez at Denise Lazaro ng Ateneo.

Kabilang sa isasabak sa AVC Under 23 sina Angeli Araneta at Nicole Tiamzon ng University of the Philippines (UP), Julia Morado ng Ateneo, Frances Molina ng San Beda College (SBC), Mina Aganon ng NU, Abigail Praca ng University of San Jose-Recolletos sa Cebu, Mylene Paat ng Adamson University (AdU), Honey Royse Tubino ng University of Perpetual Help, Jessie De Leon ng University of Santo Tomas (UST), CJ Rosario ng Arellano University, Tin Agno ng Far Eastern University (FEU), Marlene Cortel ng Adamson at Jannien Navarro ng College of Saint Benilde (CSB).

“Most of them already agreed to be part of the team, but they don’t want to announce it yet for fear of being at odds with the people in the PVF. We expect them to come out when the POC formally launches the new federation. They realized that their future is at stake. This is their only chance to serve for the country,” ayon sa opisyal.

Matatandaan na nagkagulo ang liderato ng PVF na nasa pamumuno ni Karl Chan at secretary-general Otie Camangian nang pumasok ang isang malaking sponsor para suportahan ang pagsasanay at paghahanda ng pambansang koponan sa mga internasyonal na torneo.

Itinakda pa ng PVF ang hinihiling na eleksiyon sa Enero 25 bagamat una nang nagsabi ang POC na hindi ito magpapadala ng representante at hindi kikilalanin ang eleksiyon.