Pinag-iisipan ng Team Philippines Southeast Asian Games Management Committee na hindi na isama sa pambansang delegasyon ang mga mababagal at iresponsableng national sports association’s (NSA’s) sa 28th SEA Games sa Singapore.

Ito ay matapos madismaya ang komite sa isinagawang pulong noong Miyerkules ng hapon kung saan ay itinakda ang pagsusumite ng mga listahan ng NSA’s na lalahok sa kada dalawang taong torneo na gaganapin sa Hunyo 5-16.

“They were already informed about our last SEA Games meeting set January 7 dapat pero iniusog ng 14 for them to have time to submit the shortlist,” sinabi ni PSC Chairman Richie Garcia. “Ang kaso, long list ang ibinigay.”

Ikinadismaya ni Garcia na imbes na kumpletong komposisyon ng NSA’s ang kanilang mga kandidato na ipapadala sa SEA Games, ang isinumite ay listahan ng kanilang mga atleta sa komite.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 4.8

“Hindi naman kami manghuhula para piliin kung sino sa mga atletang nasa listahan nila ang may posibilidad manalo at may kapasidad mag-ambag ng medalya sa delegasyon natin,” giit ni Garcia. “We sent the list back to the NSA’s to submit that short list as soon as possible but kung long list eh dapat kasama ang justification at kapag wala pa rin ay hindi na natin siguro isasama sa delegation.”

Inihayag pa ni Garcia na dumalo sa pulong ng working committee na pinamumunuan ni SEAG Chief of Mission at POC treasurer Julian Camacho at NSAs na pito lamang ang nagbigay ng kanilang short list para sa ninanais na isama sa bubuuing delegasyon.

“Dapat siguro ay alisin na agad sa listahan ang mga hindi makakapagsumite,” ayon pa kay Garcia. “Our experience kasi sa mga NSA’s since Incheon Asian Games ay kahit ilang beses mo iremind at i-follow-up eh matagal magpasa. Lagi na lamang na last minute kaya hindi naayos ang paghahanda natin.”

Nakatakdang sumabak ang Pilipinas sa 33 sa 36 sports na paglalabanan at ang nalalabing NSA’s ay nagpasa ng long list na walang justification ng mga atleta.

“Mahihirapan ang komite na piliin ang mga isasamang atleta kapag walang profile kaya kapag hindi nagbigay ang NSA’s ng justification, records, data o profile of achievement ng mga atleta ay aalisin na lang natin dahil sila pa ang makaaapekto sa ibang responsable ng NSA’s,” dagdag ni Garcia.