Ibinasura ng Korte Suprema ang hiling ng kaanak ng dalawang convicted drug lord na magpalabas ng writ of amparo at writ of data dahil sa patuloy na pagkakapiit nila sa National Bureau of Investigation (NBI) sa halip na sa New Bilibid Prisons (NBP).

Kapwa ibinasura ng Kataastaasang Hukuman ang writ of amparo na inihain ni Memie Sultan Boratong, asawa ng inmate na si Amin Imam Boratong at writ of data na inihain ni Atty. Anthony Bombero para sa bilanggong si Herbert Colangco .

Ang writ of amparo ay iginagawad sa isang tao na ang buhay, kalayaan at seguridad ay nanganganib at nalalabag din ang kanyang karapatan dahil sa isang hakbang na labag sa batas habang ang habeas corpus ay isang aksiyong legal na nagbibigay relief sa isang tao na nasa isang unlawful detention.

Subalit iginiit ng SC na wala ang mga ito sa kaso ng dalawang petitioner.

National

Davao Oriental, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Sina Boratong at Colangco ay kabilang sa 19 na inmate na mula sa Maximum Security Compound ng NBP na inilipat sa NBI matapos na rin mabuking ang kanilang magarbong pamumuhay sa loob ng piitan.

Una nang ipinaliwanag ni Justice Secretary Leila de Lima na pansamantalang dinala sa NBI detention cell ang 19 high profile inmate habang isinasaayos pa ang kanilang bagong selda sa loob ng Bilibid.

Iginiit ng pamilya ng mga inmate na labag sa batas ang pagkakalipat nila sa NBI dahil sa kawalan ng kautusan sa korte at nalalabag din ang kanilang karapatan dahil ipinagbabawal ng awtoridad ang pagbisita ng kanilang kaanak.