Gaya ng inaasahan, nakamit ng San Miguel Beer slotman na si Junemar Fajardo ang parangal bilang My Phone Best Player of the Conference sa ginanap na PBA Philippine Cup.
Matapos manguna sa statistical points, nakuha din ng Cebuano center ang boto ng media na nagkokober ng liga, gayundin ang players vote para ungusan ang mahigpit na katunggaling si Alaska forward Calvin Abueva.
Bukod sa 480 statistical points, nakakuha din si Fajardo ng 515 media votes , 71 players votes at 75 mula sa PBA Commissioner`s Office para makatipon ng kabuuang 1,141 puntos.
Malayo ang kanyang naging agwat sa dating NCAA MVP na si Abueva na mayroong 889 puntos.
Naiwan lamang ng dalawang puntos sa statistics sa kanyang natipong 398 puntos, naungusan nang husto ni Fajardo si Abueva matapos makakuha lamang ng 296 media votes at 45 players votes habang siya naman ang nakakuha ng pinakamataas na boto sa PBA Commissioner`s Office na 150 votes.
Pumangatlo naman sa kanila ang kakampi ni Fajardo na si Arwind Santos na may natipong 523 puntos, ikaapat si Greg Slaughter ng Barangay Ginebra na nakalikom ng kabuuang 392 puntos at ikalima ang isa pang Beermen na si Alex Cabagnot na mayroon namang 390 puntos.
Ito ang ikalawang pagkakataon sa kanyang tatlong taon sa liga na nakamit ng 6-foot-10 na si Fajardo ang Best Player of the Conference award matapos siyang magwagi noong nakaraang taong Philippine Cup.