GENERAL MARIANO ALVAREZ, Cavite – Napaslang ang municipality police chief at isang suspek sa isang shootout noong Miyerkules sa Barangay De Las Alas sa bayang ito.

Pumanaw si Senior Insp. Leo Angelo Cruz Llacer, 32, hepe ng GMA Police, sa Asia Medics Family Hospital and Medical Center sa Dasmariñas City ilang oras matapos ang engkuwentro. Tinamaan ng bala si Llacer sa unang buhos ng putukan sa bakuran ng isang bahay sa Purok Pasong Saging.

Isang seven-man team, sa pangunguna ni Llacer, ang rumesponde sa indiscriminate firing report call nang mangyari ang insidente.

Isang suspek—si Mando S. Luminog—ang napatay ng grupo sa sumunod na putukan. Dead on arrival si Luminog sa De La Salle University Medical Center sa bayan din ng Dasmariñas.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Ayon kay Senior Supt. Jonnel C. Estomo, Cavite Police Provincial Office (PPO) director, nakatakas ang pangunahing suspek na si Romeo Panganiban Villaganas Jr., 32 anyos.

Sinabi ni Esto na base sa ulat ni Insp. Edison Nieva Vitto, GMA police deputy chief, si Llacer ay nabaril ni Villaganas mula sa bintana ng isang bahay nang dumating ito at kanyang mga tauhan.

Nangyari ang barilan nang bunutin ni Villaganas ang baril na nakasukbit sa kanyang sinturon at isara ang pinto ng bahay. Nasa loob din si Luminog, ayon pa kay Estomo.

Sinabi ng PPO chief na si Llacer ay isang mabait at masipag na opisyal. Dagdag niya, naging hepe ng GMA Police si Llacer sa nakalipas na isa at kalahating taon.

Inilagay na sa half staff ang bandila sa PPO plaza sa Camp Gen. Pantaleon Garcia sa Imus City bilang pagpapakita ng huling respeto kay Llacer. - Anthony Giron