DISIPLINA LANG ● Nagbigay ng ilang paaalala ang mga kinauukulan upang maging maayos at mapayapa ang pagdalaw ni Pope Francis sa bansa. Para rin naman sa atin ito, kaya dapat pairalin ang disiplina. Narito ang ilan (1) Huwag nang magwagayway ng mga poster na may larawan ni Pope Francis sapagkat ayaw talaga niya niyon. Magwagayway na lang ng imahe ng Sto. Niño o mga rosaryo dahil mas gusto niya niyon.
(2) Huwag nang tangkaing lumapit sa popemobile dahil baka makasagabal sa kanyang daraanan at lumikha ng kaguluhan. Sapat nang makita nang personal ang Papa kahit sa malayo. (3) Huwag nang magdala ng payong kahit pa may banta ng pag-ulan sapagkat maaaring gawin itong kublihan ng sandata ng masasamang loob. Kapag umulan, kaunting tiis lang. At least nakita natin ang Papa. (4) Huwag nang magdala ng bag o knapsack. Ayaw ng pulisya niyon dahil kung lahat tayo magdadala ng bag, imagine mo na lang kung ilang milyong bag ang susuriin ng mga awtoridad – laking abala sa kanila at sa atin. (5) Huwag magsuot ng sexy na damit. Por jos por santo! Igalang natin ang okasyon! (6) Huwag nang pumunta ang maiinitin ang ulo! Sa dami ng tao na wala ring disiplina, talagang iinit ang ulo kahit na estatwang bato. (7) Huwag nang pumunta ang tatanga lang sa mga aktibidad ng Papa; pampasikip ka lang at dadagdag sa alalahanin ng mga awtoridad.
***
ISANG KARANGALAN ● Nagpahayag si Pangulong Noynoy Aquino na itinuturing isang malaking karangalan para sa Pilipinas ang pagdalaw ng pinakamataas na pinuno ng Sambahang Katoliko. Kaya naman toto-todo ang ipinaiiral na seguridad para kay Pope Francis habang narito siya sa bansa; sapagkat kung may mangyayaring hindi kanais-nais sa Papa, ito na ang pinakamalaking kasiraan ng Pilipinas. Sa ngayon, dinoble pa ang pagbabantay ng pulisya lalo sa misa sa misa sa Quirino Grandstand sa Rizal Park sa Linggo. Inaasahan kasing dadalo ang milyun-milyng mananampalataya sa misa ni Pope Francis. Gayunman, nilinaw ng Pangulo na sa ngayon ay walang direktang banta sa Papa pero nakikipag-ugnayan pa rin sila sa mga counterparts sa international community upang hindi malusutan. Kaya marapat na pakinggan natin ang panawagan ng Pangulo: Kailangan ang pag-unawa, konsiderasyon, pakikiisa at disiplina para sa ligtas at maayos na pagbisita ng Papa sa ating bansa.