INDIANAPOLIS (AP)- Umiskor si Mo Williams ng career-high na 52 puntos, ang pinakamalaki sa NBA sa season na ito, kung saan ay natapyas ng Minnesota Timberwolves ang 15-game losing streak matapos ang 110-101 victory kontra sa Indiana Pacers kahapon.
Naisakatuparan ni Williams ang anim na 3-pointers, kasama na ang isa na nagbigay sa Minnesota sa 102-96 lead. Nag-ambag si Andrew Wiggins ng 20 puntos at nagtala si Gorgui Dieng ng 10 para sa Timberwolves (6-31), nanalo sa unang pagkakataon simula nang talunin ang Portland, 90-82, noong Disyembre 10.
Nagposte si C.J. Miles ng 22 points at itinarak ni C.J. Watson ang 17 para sa Pacers (15-25), nabigo ng tatlo sa kanilang apat na mga laro.
Ikinasa ni Wiggins ang put-back dunk at isinalansan ang 3-pointer upang ipagkaloob sa Timberwolves ang 93-90 lead, may 4:29 pa sa orasan.
Ngunit si Williams ang halos nagpalakas sa Wolves para sa kanilang ikatlong road victory. Makaraan ang ilang 3-pointers sa kaagahan ng fourth quarter, itinabla nito ang laro sa 83 mula sa tatlong free throws, kasama na ang isa na mula sa tinawag na technical kay Ian Mahinmi sa nalalabing 7:10 sa korte.
Nalagpasan ni Williams ang 46 puntos sa season na inasinta nina Carmelo Anthony at Pau Gasol, pawang nakakaangat sa NBA.
Muling nabigo ang Pacers sa isa sa may pinakamasamang record sa liga, kung saan ay naibigay lamang sa Philadelphia ang ikapitong panalo noong Linggo, 93-92.
Naiwasan ng Minnesota na mapalawig ang kanilang losing streak sa 16 na mga laro sa unang pagkakataon matapos ang 16-game skid noong Pebrero 24 hanggang Marso 28, 2010.
Hindi umungos ang Pacers sa mahigit na 8 puntos sa unang half at angat sila sa 52-46 sa break.
Ungos pa rin sa 86-83 sa fourth subalit sinasagot ni Williams ang bawat atake ng Indiana.