Dismayado ang mga grupong nagtutulak ibasura ang fare hike sa MRT at LRT sa naging desiyon ng Supreme Court na hindi maglabas ng temporary restraining order (TRO).

Ayon sa grupong Train Riders Network (TREN), nananatili ang kanilang posisyon na iligal at hindi makatarungan ang dagdag pasahe sa naturang mass transport.

“Bagama’t hindi naaprubahan ang aming petisyon, nananatili ang aming posisyon na iligal ang dagdag sa pasahe sa MRT at LRT, dahil hindi ito dumaan sa tamang konsultasyon,” pahayag ni James Relativo, tagapagsalita ng TREN.

Inihayag naman ni Mr. Renato Reyes ng Bagong Alyansang Makabayan na dapat aksyunan ng Supreme Court ang naturang petisyon na ipatigil at tuluyang ibasura ang fare hike.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Nalulungkot kami dahil habang tumatagal ay lalong lumalaki at bumibigat ang pasanin ng publiko,” pahayag Reyes.

Aniya, malamang sa Pebrero malalaman ang sunod na hakbang ng Supreme Court dahil mahaba ang holiday bunsod nang pagbisita ni Pope Francis gayundin na hihintayin pa ang komento ng gobyerno, lalo ng DoTC at pamunuan ng MRT at LRT, sa petisyon.

Nagsimulang ipinatupad ang hike noong Enero 4 kung saan piso ang dagdag sa base fare at kada kilometro.