Nakukulangan ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pagbaba ng presyo ng ilang bilihin sa pamilihan dahil sa sunud-sunod na big-time oil price rollback na ipinatupad ng mga kumpanya ng langis sa bansa.
Ayon sa monitoring ng DTI bumaba sa P0.35 hanggang P1.75 ang presyo ng ilang brand ng condensed milk, sardinas, kape, noodles, tinapay at sabong panlaba.
Subalit hindi natuwa ang kagawaran sa naturang price rollback dahil dapat na ibaba pa ng mga negosyante ang presyo ng gatas, instant noodles at tinapay sa merkado lalo na’t napakalaki na ang ibinaba ng halaga ng produktong petrolyo sa bansa na karaniwang sinasangkalan ng mga ito sa pagtataas ng presyo ng bilihin sa tuwing may oil price hike.
Kakalampagin muli ng DTI ang mga manufacturer sa pagpapatupad ng price rollback sa kanilang produkto kapag nagtuluy-tuloy ang pagbaba ng presyo ng petrolyo.
Matatandaan noong Disyembre 2014, nanawagan at sinulatan pa ng DTI ang mga manufacturer/negosyante upang pakiusapan na magbaba ng presyo sa kanilang produkto upang makinabang naman ang mga mamimili sa epekto ng mababang presyo ng petrolyo.