Ni DINDO M. BALARES

“You are Peter, and on this rock I will build my Church, and the gates of hell will not prevail against it.” Matthew 16:18 Ang ika-266 na kahalili ni St. Peter sa ating panahon, si Pope Francis, ay isinilang ilang araw bago sumapit ang Pasko noong Disyembre 17, 1936 -- kahenerasyon ng pinakasikat na rock stars sa mundo.

Kaya hindi nakakapagtaka na “cool” din siya.

Ang pagdalaw ni Pope Francis sa iba’t ibang bansa ay inaabangan ng halos lahat ng mga tao. Hindi lamang ang 1.2 bilyong mga Katoliko ang humahanga sa kanyang kasimplihan at kababaangloob, nakikinig sa kanyang mga mensahe, at kumikilala sa kanya bilang spiritual leader.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Hinirang si Jorge Mario Bergoglio bilang santo papa sa panahon na parami nang parami ang mga suliranin sa mundo at maging sa loob mismo ng Simbahan. Nanggaling sa Society of Jesus, tugon sa panahon ang kanyang piniling pangalan at huwaran na si St. Francis of Assisi. Bukod sa mga makabuluhang aral, nakatala rin sa kasaysayan na si St. Francis lamang ang Kristiyanong mangangaral na tinatanggap noon ng Sultan ng Egypt na si Sheikh al-Malik al-Kamel sa teritoryo nito.

Marahil ay alam ni Jorge Mario Bergoglio na ang halimbawa ng malawak na pang-unawa at kapayakan sa pamumuhay ni St. Francis ang makagagamot sa napakaraming problema sa modernong panahon.

Pero bago pa man naging santo papa ay maraming nakakakilala kay Jorge Mario Bergoglio ang nagpapatunay na maging noong pari, cardinal at arsobispo pa lamang siya sa Buenos Aires na walang luho ang kanyang pamumuhay. Hindi siya mahilig sa “social climbing,” na namana niya sa kanyang mga magulang, wala siyang sasakyan, sumasakay siya ng bus at nagluluto ng kanyang sariling pagkain.

Nang mahirang bilang santo papa, hindi siya sumakay sa naghihintay na papal limousine kundi sumabay pa rin sa mga kasamahan sa van na sinakyan nila, bumalik sa tinirhang apartelle at binayaran ang kanyang bill. Maging ang kanyang tagarasyon ng diyaryo sa Buenos Aires ay tinawagan niya na hindi na muna siya magpapadeliber ng diyaryo dahil sa Vatican na siya maninirahan.

“My people are poor and I am one of them,” sabi niya, katibayan na hindi siya marunong makalimot gaano man kataas ang kanyang katungkulan.

Simula nang maging pari ay walang maliw siyang naglingkod sa mahihirap, ang ayon sa kanya ay pangunahing tungkulin niya. Bukod sa pagsisilbi bilang tagapamayapa ng iba’t ibang lahi at paniniwala.

Hindi siya nanirahan sa magarbong papal apartment, mas pinili niya ang simpleng Vatican guest house.

Hindi rin siya sumunod sa tradisyon ng pagsusuot ng magarbong papal wardrobe.

Pero hindi nangangahulugang mabait siya maging sa mga maling gawi. Kauupo lang bilang santo papa, sa pulong ng mga kaparian, agad niyang pinuna ang mga intriga at siraan nang patalikod sa kanilang hanay. At pinayuhan ang mga ito na makipagusap nang harapan sa kinauukulan kung may nais sabihin laban dito, at ayusin ang gusot.

Noong nakaraang Pasko, maanghang din ang pagpuna niya ang mga maling kultura sa curia, lalo na sa mga nakalilimot nang si Kristo ang sentro ng Simbahan at hindi sila.

Maraming journalist na kumokober sa Vatican ang nag-uulat na sa panahon ni Pope Francis lumobo ang bilang ng mga taong nagtutungo sa Roma mula sa iba’t ibang bansa.

Dahil “cool” ang santo papa. Ang kanyang pangangaral sa Mabuting Balita ay hindi lamang sa salita kundi mas ginagawa.