Hindi ang Amihan Women's Volley Team ng Philippine Volleyball Federation (PVF) ang isasabak sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Women's Under-23 Championships at 28th Singapore Southeast Asian Games kundi ang binuong pambansang koponan ng Philippine Olympic Committee (POC).

Ito ang sinabi ng isang source na mula sa POC matapos na isumite ang listahan ng 25-kataong women's national pool sa SEA Games Task Force na ipadadala ng delegasyon ng Pilipinas sa kada dalawang taong SEA Games na gaganapin sa Hunyo 5 hanggang 16.

"It is just another day of work in the office," sinabi ng source. “The players are told to believe they can play but in fact their association is not even following the organization that has the right to send them to competition.”

Inihayag kamakailan ng POC ang 25-woman national volleyball team sa pangunguna ng matangkad at magkapatid na sina Dindin at Jaja Santiago.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Makakasama ng magkapatid na Santiago sina Denden Lazaro, Angeli Araneta, Kathy Bersola, Jessie de Leon, CJ Rosario, Tin Agno, Marlene Cortel, Jannine Navarro, Nicole Tiamzon, Julia Morado, Frances Molina, Mina Aganon, Abigail Parca, Mylene Paat, Honey Royse Tubino, Kim Fajardo, Ara Galang, Mika Reyes at Alyssa Valdez.

Una nang binuo ng POC ang koponan matapos na akuin ang responsibilidad ng nagkakagulong opisyales ng PVF upang sagipin ang bansa sa posibleng sa pagbawi sa pagiging host sa internasyonal na torneo na AVC Under 23 na isasagawa sa Mayo 1 hanggang 9 sa bansa.

Puwersado ang Team Philippines SEA Games Management Committee na isumite ang mga pangalan ng bawat atleta sa kada sports na paglalabanan sa multi-sports na torneo kung saan ay itinakda ang deadline sa ipadadalang mga atleta sa bawat NSA’s sa Marso 1 upang maisaayos na maisumite sa SINGSOC sa Abril 1.

Inaasahan naman na sisimulan ang pagsasanay ng mga napiling atleta, na gigiyahan nina Roger Gorayeb at Sammy Acaylar, sa susunod na linggo para paghandaan ang 1st Asian Women’s Under-23 Championship sa darating na Mayo 1-9 at maging ang 28th Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo 5-16.

Magsisilbi ang U-23 Qualification Tournament para sa 2nd Women’s U-23 World Volleyball Championship sa Ankara, Turkey sa Agosto 12-19.