Bilang bahagi ng paghahanda, personal na inikutan kahapon ng umaga ni Pangulong Aquino at Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ang daraanan ng convoy ni Pope Francis sa kanyang pagdating sa bansa ngayong Huwebes.
Sa pag-iikot ng convoy ng Pangulo at Roxas sa papal route, umabot ng 27 minuto ang biyahe ng mula Villamor Air Base (VAB) sa Pasay City patungong Apostolic Nunciature sa Maynila, kung saan pansamantalang maninirahan ang Santo Papa.
Kasabay na ininspeksiyon din ng Pangulo ang Light Rail Transit (LRT) station sa Quirino Avenue malapit sa Apostolic Nunciature.
Kasabay nito, muli iginiit ng Pangulo ang kanyang panawagan sa publiko na panatilihin ang kaayusan at disiplina sa pagdating ni Pope.
Nagpauna na rin ng kanyang pasasalamat ang Pangulo sa libu-libong mga pulis na bahagi ng papal visit sa pagpapatupad ng peace and order sa buong bansa.
Umaabot na sa 4,000 CCTV camera ang ikinabit sa mga daraanan ng Santo Papa para siguruhing walang makalulusot na masasamang loob na ang pakay ay manggulo sa mga okasyon na naka-linya sa kanyang pagbisita.