BAGAMAT hindi pa inihahayag ni Presidente Aquino ang listahan ng pagkakalooban niya ng executive clemency, isang bagay ang tiyak: Makalalaya na ang matatanda at mga may matinding karamdaman. Matagal na panahon na rin naman nilang pinagdusahan ang kanilang mga kasalanan sa tao at sa lipunan. Totoong medyo atrasado ang pagkakaloob ng naturang executive clemency. Karaniwan itong inihahayag sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Pasko bilang pagmamalasakit – ng nakaraan at ng kasalukuyang administrasyon – sa karapat-dapat na mga bilanggo. Asahan natin na hindi mapabilang sa listahan ang mga pusakal na preso kabilang na ang mga high-profile inmate, na hanggang ngayon ay walang patumangga sa paghahasik ng karahasan at kawalan ng disiplina sa loob ng mga bilangguan.
Napapanahon ang pagpapalaya sa matatanda at may sakit na bilanggo. Katunayan, ito ay maituturing na isang higanteng hakbang tungo sa ganap na rehabilitasyon ng naturang mga bilanggo na ang karamihan ay hindi naman nasangkot sa mga katiwalian na ngayon ay gumigiyagis sa mga bilangguan, lalo na sa New Bilibid Prisons (NBP). Bukod dito, magkakaroon ng pagkakataon ang naturang mga bilanggo na makapiling ang kani-kanilang mga mahal sa buhay. Ang nalalabi pa nilang panahon sa daigdig ay maiuukol nila sa makabuluhang gawain na dapat sana nilang maisagawa kundi lamang dahil sa mga pagkakamaling tiyak na pinagsisihan na nila.
Naalala ko ang isang kamag-anak na pinalad ding pinagkalooban ng pardon noong panahon ni Presidente Ramos. Habang pinagdudusuhan niya ang kanyang pagkakasala, iniukol niya ang kanyang mahalagang panahon sa paglililok at paggawa ng mga souvenir. Ito ngayon ang isa sa kanilang ikinabubuhay.
Naiiba ngayon ang pagkakaloob ng executive clemency sa nabanggit na grupo ng mga bilanggo. Ito ang magsisilbing pasalubong sa pagdating ni Pope Francis na magsasagawa ng papal visit sa Pilipinas mula ngayon hanggang sa Enero 19.
Higit sa lahat, ito ang sasagisag sa habag at malasakit ng administrasyon – sagisag na bahagi rin ng prinsipyo ni Pope Francis.