MASUGID na pinakahihintay ng Katolikong Pilipinas ang unang apostolikong pagbisita sa bansa ng Kanyang Kabunyian, Pope Francis, sa Enero 15-19. Ito ang ikaapat na pagkakataon na ang Pilipinas, na muog ng Katolisismo sa Asia, na maging punong-abala ng isang papal visit: Pope Paul VI noong 1970, at St. John Paul II noong 1981 at 1995 na para sa 10th World Youth Day.
Magdiriwang si Pope Francis ng isang misa sa Enero 18, pista ng Sto. Niño sa Rizal Park. Sa preparasyon ng pagbisita, na may temang “Mercy and Compassion” ay tiniyak na ligtas ang Papa saan man siya pumaroon, at maipamamalas ng taumbayan ang kanilang mataimtim na pananampalataya.
Gaya sa Rome, ang Papa, na mahiliging lumapit sa madla, ay lilibot sa Rizal Park upang bendisyunan ang mga mananampalataya bago ang pagsisimula ng misa, kung saan 200 obispo at 2,500 pari ang kasama niyang magdiriwang. May 20 communion chapel, 5,000 communion distributor, at 5,000 communion usher; na mga nakapayong na puti na may papal seal at logo para sa pagkakakilanlan, na gagabay sa mga mananampalataya.
Para sa mga nasa malalayong bahagi ng Rizal Park, may 18 higanteng LED screen ang nakatayo sa Roxas Boulevard at Anda Circle para sa pakikiisa sa misa ng madla na magtatapos sa pag-awit ng “Tell the World of His Love” na may sinding kandila bilang pagdiriwang ng ika-20 anibersaryo ng 10th World Youth Day sa Pilipinas.
Magkatuwang ang gobyerno at ang Simbahan sa pagkakaroon ng hindi malilimutang papal visit. Si Pangulong Benigno S. Aquino III ay inaasahang sasalubungin ang Papa sa pagdating nito sa Villamor Air Base. Sina Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle at Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates B. Villegas ay mga miyembro ng 32-man papal entourage.
Ang militar at ang pulisya, sa pagkikipagtulungan sa Vatican security at Swiss Guards ay nakahandang magkaloob ng seguridad. Magde-deploy naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng malaking operasyon na kinabibilangan ng may 7,000 tropa bilang backup sa mga lugar para sa mga aktibidad - Metro Manila (Malacañang, Manila Cathedral, Mall of Asia, University of Santo Tomas, at Rizal Park) at sa Leyte (Tacloban at Palo). Maaaring ideklara ang mga lugar na iyon bilang no-fly zones sa mga araw ng papal visit.
Ang militar ang magkakaloob ng air cover para kay Pope Francis upang mamonitor ito mula sa himpapawid. Mahigit 5,000 reservist ang tutulong sa seguridad. Nakahanda ang AFP para sa “people surge”, isang hindi kontroladong crowd situation. Babantayan naman ng Pinoy at Vatican security ang Apostolic Nunciature sa Taft Avenue kung saan titigil ang Papa. Magpapadala naman ang Department of Health ng 120 personnel, 20 first aid station, at 20 ambulansiya.