Sasalubungin ng unang bagyo ngayong taon ang pagbisita ni Pope Francis sa bansa ngayong araw.
Ito ay matapos ihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong ‘Amang’ ngayong araw.
Ayon sa PAGASA, kapag tuluyan itong naging bagyo, malaki ang posibilidad na tatamaan nito ang Eastern Visayas, kasama na ang Tacloban, Leyte na nakatakdang bisitahin ng papa.
Sa pagtaya ng PAGASA, maaari ring magbuhos ng malakas na ulan si ‘Amang’ sa Metro Manila kung saan magdadaos din ng misa sa Quirino Grandstand ang Papa.
Sinabi ni weather specialist Jun Galang ng PAGASA, huling namataan ang tropical depression sa layong 1,560 kilometro Silangan ng Hilagang Mindanao taglay ang lakas ng hanging aabots sa 55 kiometro kada oras malapit sa gitna at inaasahang kikilos pa-Kanluran-Hilagang Kanluran sa bilis na 19 kilometro bawat oras.
Maaari aniya itong mag-ipon ng lakas sa karagatan at maging ganap na bagyo bago pumasok sa PAR ngayong Huwebes ng umaga.