NOONG Nobyembre 2013, labing-apat na buwan na ang nakalilipas, na unang sinabi ni Pope Francis na nais niyang bisitahin ang mga mamamayan ng Eastern Visayas upang makiramay sa kanilang kapighatian dahil sa kapahamakang idinulot sa kanilang buhay ng super-typhoon Yolanda. “He is specially mindful of those who mourn the loss of their loved ones and of those who have lost their homes… He invokes divine blessing of strength and consolation for the nation,” anang isang telegrama na ipinadala ng Vatican Secretary of State Archbishop Pietro Parolin.
Sa wakas darating ang Papa ngayon upang simulan ang limang araw na pagbisita na katatampukan ng isang piging kung saan kasalo niya ang mga survivor ng bagyo sa Leyte. Buong araw ng Sabado siya naroon sa mga lugar kung saan isang taon na ang nakalilipas, mahigit 6,193 katao ang namatay sa malalakas na hangin at ulan ng bagyong Yolanda at ang sumunod na storm surge, at may 1,061 katao ang hindi pa mahagilap magpahanggang ngayon.
Bukod sa kanyang pagbisita sa mga survivor ng super-typhoon Yolanda sa katimugan sa Sabado, pupunta ang Papa sa Maynila para sa isang serye ng mga aktibidad na magtatapos sa isang misa na kanyang pamumunuan sa Rizal Park sa Linggo. Milyun-milyong katao ang kabuuan ng mga dadalo sa iba’t ibang aktibidad sa Malacañang, sa Manila Cathedral, sa Mall of Asia, sa Pontifical University of Santo Tomas, at sa huli ang misa sa Rizal Park. Ang malalaking madla na sasalubong sa Papa sa Maynila at sa Leyte ay bahagi ng 80 milyong Katoliko kung kaya ang Pilipinas ang natatanging bansang Kristiyano sa Asia. Kahit saan man sila pumaroon sa mundo, napananatili ng mga Pilipino ang kanilang maalab na pananampalataya, pumupuno ng mga simbahan sa mga lungsod kung saan sila namumuhay bilang overseas workers.
Ngunit hindi lamang mga Katoliko ang sasalubong sa Papa, kabahagi nila ang iba pang pananampalataya. Sapagkat ipinakita niya ang kanyang sarili bilang mapagkumbabang kinatawan ng Diyos, na umaabot sa iba pang religious groups gaya sa Middle East at, kamakailan lang, sa Istanbul, Turkey. Sa Pilipinas, hiniling ng mga mamamayang Muslim ng Mindanao ang kanyang suporta para sa usapang pangkapayapaan sa bahaging iyon ng bansa.
Nakikiisa tayo sa sambayanan sa pagsalubong kay Pope Francis. Sa maraming paraan, ang kanyang pagbisita ay isang biyaya para sa lahat – sa mga survivor ng super-typhoon Yolanda sa Visayas, sa mga mamamayan ng Mindanao na nakikita siya bilang tagasulong ng kapayapaan, at sa mga taga-Luzon at iba pang bahagi ng bansa na susunod sa kanyang mga hakbang at mga salita, sa kanyang misyon ng Awa at Pagmamalasakit.