Tikom ang bibig o mas angkop na sabihing ayaw pagtuunan ng pansin ni De La Salle coach Juno Sauler ang napabalitang paglabag sa residency rule ng kanilang Cameroonian recruit na si Ben Mbala.

Naglabasan na ang mga balita tungkol sa ginawang paglalaro sa ibang liga ni Mbala na nasa huling taon ng kanyang two-year residency magmula nang magdesisyong lumipat sa La Salle mula sa Southwestern University sa Cebu.

Bagamat hindi itinanggi at hindi rin pinabulaanan ang balitang naglaro si Mbala sa isang torneo sa General Santos City noong nakaraang Disyembre, ayon kay Sauler ay makabubuti na lamang na hindi siya magkomento tungkol dito.

Sa katunayan, ang 6-foot-7 na si Mbala pa mismo ang naging MVP sa naturang torneo na tinaguriang Pacman Cup ni Kia playing coach sa PBA at world boxing champion na si Manny Pacquiao.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nakasaad kasi sa UAAP residency rule na hindi maaring maglaro ang isang UAAP cager sa ibang liga kung hindi nito kinakatawan ang kanyang paaralan at walang pahintulot mula sa kanyang paaralan.

Sakaling mapatunayan na nagkasala si Mbala sa paglabag sa nasabing panuntunan, bubunuin pa ulit nito ang isang taon upang makapaglaro sa UAAP.

Kasalukuyan na umanong iniimbestigahan ng pamunuan ng La Salle ang nasabing pangyayari at nakatakda silang maglabas ng “formal statement” hinggil dito pagkatapos ng imbestigasyon.