Sabik na sabik na ang sambayanang Pilipino sa pinakaaabangang pagdating sa bansa ngayong Hwuebes ni Pope Francis para sa kanyang limang araw na Apostolic visit sa Pilipinas.

Sa kani-kanilang Facebook at Twitter account, maraming Pinoy ang nagpapaskil kung gaano sila ka-excited na makita ang Santo Papa.

“See you Pope Francis. I love you so much,” post ni Go Mandino sa kanyang FB account.

“WELCOME TO THE PHILIPPINES.... YOUR HOLINESS, POPE FRANCIS!” paskil naman ni Lordic Reyes sa Facebook.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Ang iba naman ay nagpalit ng FB profile picture ni Pope Francis.

Kaugnay nito, sabay-sabay na magpapatunog ng mga kampana ang lahat ng simbahan sa bansa pagsapit ng 5:45 ng hapon ngayong Huwebes, bilang hudyat nang pagtuntong sa bansa ng Santo Papa.

Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) president at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, ang pagpapatunog ng mga kampana ay simbolo nang mainit na pagsalubong ng mga Pinoy kay Pope Francis.

Umapela rin naman si Villegas sa mga mamamayan na ipanalangin ang kaligtasan ng Santo Papa.

Samantala, hinikayat naman ni Father Amadeo Alvero, head ng information and social communications committee ng papal visit sa Archdiocese of Palo, ang mga mananampalataya na magdala ng mga banner na may mukha ni Hesus, Birheng Maria at mga santo sa pagwelcome sa Santo Papa.

Partikular na hinimok ni Alvero ang mga Katoliko sa kanilang lugar na dalhin ang mga naturang banner at tarpaulin at itaas sa sandaling nagmomotorcade na ang Santo Papa.

Para naman kay Palo Archbishop John Du, mabuti ring may dalang banner ang mga Katoliko na may nakasulat na “God is merciful and compassionate.”