NARITO ang ikalawang bahagi ng ating paksa tungkol sa ilang tips upang labanan ang iyong antok sa trabaho o sa klase. Isa pang tip upang huwag mong katulugan ang iyong klase dahil sa sobrang antok, I-entertain mo ang iyong sarili. Titigan mo ang isa sa iyong mga kaklase at gamitin ang iyong super powers upang palingunin mo siya sa iyo. At kung lumingon nga siya sa iyo, ngitian mo na lang para hindi nito maisip na nasisiraan ka na ng bait.
- Kung mapalad kang nagtatrabaho sa isang kumpanya na nagpapahintulot na matulog ang kanilang manggagawa sa lugar ng trabaho dahil may hinihintay na gawain, sige matulog ka sa iyong puwesto. Sa loob ng 20 hanggang 30 minutong pagkakatulog, maaari mo nang mabawi ang iyong lakas. Gamitin mo ang alarm feature ng iyong cellphone o maaari ka ring makiusap sa iyong kasama na gisingin ka sa takdang oras.
- Kapag sa bahay ka naman nagtatrabaho, maaaring maging problema ang pagtulog mo sa gitna ng traho kung magiging habit mo na ito; sapagkat maapektuhan ang iyong performance. Kung maisisingit mo ang pagtulog sa iyong schedules, mas mainam. Ngunit kapag naapektuhan na ng iyong pagtulog ang iyong trabaho, wala kang matatapos. Kung kasama mo naman ang maliliit mong anak sa bahay kung saan ka nagtatrabaho, sikaping isama mo sila sa iyong pagtulog. Siyempre, mahirap iwan ang mga paslit na sila-sila lang, kaya mahalaga na may katuwang ka sa pagbabantay sa kanila habang natutulog ka.
- Kapag kapos ang tao sa tulog, maaaring mapaangat ng ehersisyo ang level ng pagkaalerto. Mainam ito lalo na kung hindi mo talaga makauuwi nang maaga mula sa trabaho dahil mayroon kang mga deadline. Makatutulong ang maglakad-lakad ka sandali sa labas o mag-akyat-panaog sa hagdan. Maaari namang mag-volunteer ka na ikaw na ang mag-photocopy ng dokumento kung may kalayuan ang zerox machine.
- Magkape. Makatutulong ang taglay na caffeine ng isang sachet ng kape upang mapanatili kang gising. Huwag mo lang dadalasan ang pag-inom ng kape sa isang araw. Makukuha mo ang pinakamainam na resulta kung ikakalat mo sa buong araw ang pag-inom ng isang tasang kape. Sapagkat marami akong deadline kung kaya nag-uuwi pa ako ng trabaho sa bahay, madalas akong antukin sa umaga lalo na sa hapon. Kaya kapag aantukin ako sa umaga, inuunahan ko na iyon ng isang tasang kape, at ganoon din sa hapon.