WALANG patid ang pagtutok ng mga manonood sa GMA Network noong 2014 partikular sa Urban Luzon at Mega Manila, kung saan patuloy ang pangunguna nito sa TV ratings, ayon sa datos mula sa Nielsen TV Audience Measurement.

Base sa full year 2014 ratings (ang December 21 to 31 ay base sa overnight data), waging-wagi ang GMA sa Urban Luzon at Mega Manila total day household shares, kasabay ng pamamayagpag nito sa lahat ng dayparts kabilang ang primetime sa mga nasabing area.

Nasungkit ng Pacquiao-Algieri: Hungry for Glory at Pacquiao-Bradley 2 Vindication ang una at ikalawang puwesto sa listahan ng top programs (kasama ang specials) sa Urban Luzon at Mega Manila. Pasok din sa listahan ang mga top-rating GMA show na Kapuso Mo, Jessica Soho, Magpakailanman, My Destiny, Niño, Celebrity Bluff, Strawberry Lane, Marian, 24 Oras at Pepito Manaloto.

Sa Urban Luzon, kung saan matatagpuan ang 77 percent ng lahat ng urban TV households sa bansa, nakapagtala ang GMA ng 36.4 percent; mas mataas ng 5.1 points sa 31.3 percent ng ABS-CBN at ng 26.3 points sa 10.1 percent ng TV5.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Nanatili ring malakas ang GMA sa balwarte nitong Mega Manila dahil sa nakuha nitong 37.6 percent; angat ng 8.8 points sa 28.8 percent ng ABS-CBN at ng 26.7 points sa 10.9 percent ng TV5. Ang Mega Manila ay kumakatawan sa 60 percent ng kabuuang urban TV households sa bansa.

Kumpara sa kompetisyon, mas mataas din ang nationwide ratings ng GMA sa daytime blocks noong kabuuan ng 2014. Sa morning block, nakakuha ang GMA ng 31.7 percent habang 29.9 percent ang sa ABS-CBN at 12.9 percent ang TV5. Wagi rin ang GMA sa afternoon block kung saan nagtala ito ng 34.8 percent laban sa 32.5 percent ng ABSCBN at 11.1 percent ng TV5.

Nitong Disyembre, 0.5 percent na lang ang lamang ng ABS-CBN sa GMA sa NUTAM dahil sa mataas na daytime ratings ng huli. Tinalo rin ng GMA ang ABS-CBN sa lahat ng dayparts sa Urban Luzon at Mega Manila.

Kabilang ang specials, karamihan sa 30 top-rating programs sa NUTAM, Urban Luzon at Mega Manila ay mula sa GMA. Tinanghal na number 1 program sa Urban Luzon at Mega Manila ang Magpakailanman, at ito rin ang highest rating Kapuso show sa NUTAM.

Ngayong 2015, may mga panibagong programa ang Kapuso Network na tiyak na tututukan ng publiko.

Kasalukuyan nang napapanood sa GMA Telebabad ang Once Upon A Kiss na pinagbibidahan nina Miguel Tanfelix at Bianca Umali, at Second Chances na tinatampukan naman nina Jennylyn Mercado, Camille Prats, Rafael Rosell at Raymart Santiago.

Dapat ding abangan ang Healing Hearts nina Joyce Ching, Kristoffer Martin at Krystal Reyes, at Kailan Ba Tama Ang Mali? nina Geoff Eigenmann, Empress Schuck, Dion Ignacio at Max Collins sa GMA Afternoon Prime.