Nagkasya lamang si GM Wesley So sa pakikipaghatian ng puntos kay World No. 2 Fabiano Caruana ng Italy matapos ang isang fighting 31 move draw ng Ruy Lopez opening upang manatiling nasa kontensiyon sa titulo ng prestihiyosong 77th Tata Steel Masters noong Martes ng gabi sa Wijk an Zee sa The Netherlands.
Muling nagpakita ng kanyang matinding talento si GM So, isang araw matapos nitong patumbahin ang defending champion na si Levon Aronian ng Armenia, sa ikatlong round nang magmatigas ang 21-anyos sa paglatag ng matinding depensa kontra sa atake ni Caruana upang itulak ang laban sa draw.
Dahil dito ay nanatiling walang talo si GM So, matapos ang apat na round na bitbit na ngayon ang United States, tungo sa pagtala ng kabuuang 2.5 puntos bunga ng kanyang isang panalo at tatlong draw, kabilang ang isa sa kasalukuyang world champion na si Magnus Carlsen ng Norway sa unang round.
Naagaw naman ni dating world challenger Vassily Ivanchuk ng Ukraine ang solong liderato sa itinalang 3.5 puntos matapos biguin si Maxime Vachier-Lagrave ng France sa 30 moves ng Sicilian encounter.
Dumausdos si Caruana sa two-way tie sa ikalawang puwesto kasama si Ding Liren ng China sa kinubrang 3 puntos, na kalahating puntos na abante kay GM So, na katabla si Radoslaw Wojtaszek ng Poland sa ikaapat na puwesto na may 2.5 puntos.
Ang draw ang nagtulak din kay GM So para umangat sa 2778.1, ang pinakamataas na naabot nito at mapanatili ang kanyang ranking bilang world No. 9.
Nagpahinga muna sa 12-round tournament si GM So kahapon bago magbalik ngayon sa aksiyon sa pagsagupa sa kasalukuyang women’s champion na si Hou Yifan ng China, na tanging babaeng kalahok sa de-kalidad na torneo na may Category 20 na rating.