Tatlong empleyado ng Bureau of Immigration (BI) ang sinibak sa serbisyo habang tatlong confidential agent ng ahensiya ang iniimbestigahan hinggil sa umano’y kanilang pagkakasangkot sa kidnapping at extortion ng dalawang Chinese.
Bagamat tumanggi na pangalanan ang limang personalidad na iniuugnay sa ilegal na aktbidad, sinabi ni BI spokesperson Atty. Elaine Tan na agad na inatasan ni Immigration chief Siegfred Mison na isailalim sila sa imbestigasyon matapos maimpormahan hinggil sa insidente na naganap sa isang condominium sa Makati City noong Disyembre 2014.
Lumitaw naman sa dokumentong nakalap sa NBI na ang sangkot sa kuwestiyunableng operasyon ng NBI ay sina Immigration agent Steve Parcon at Ma. Irene Arsenia Bello, at sina confidential agent (contractual) Faizal Macabuat, Eulalio Padua at Amir Anton.
Pinagpapaliwanag ni Misonkung ang mga organic intelligence agent kung bakit hindi sila dapat sampahan ng kasong administratibo hinggil sa insidente kung saan ang dalawang biktimang Chinese ay nakilalang sina Huang Lei at Danni Lim.
Napag-alaman na nagpalabas ang BI ng warrant of arrest laban sa dalawang overstaying foreigner subalit lumitaw sa ulat ng NBI na sina Lei at Lim ang dinampot ng limang Immigration agent sa Beacon Residence sa Salcedo Village, Makati City.
Nabatid ng BI na mayroong working visa si Lim at bumisita siya sa Maynila upang mag-shopping noong Pasko habang si Lei ay may pinanghahawakang 59-day tourist visa subalit ito ay paso na kaya ipinagutos ng Immigration Bureau na siya ay pabalikin na sa China. - Jun Ramirez