Umaasa ang Pilipinas na maging unang bansa sa Asia na maging punongabala sa gaganaping World Soft Tennis Cup.

Ito ay matapos na tukuyin ng International Soft Tennis Federation (ISTF) ang Pilipinas upang magsilbing host sa isasagawang unang World Soft Tennis

Championships sa Oktubre kung saan ay makakalaban ng bansa ang karibal na Thailand.

Kasalukuyang hinihintay ng dalawang bansa ang pinal na desisyon ng ISTF Executive Board sa pamumuno ni secretary general Tatsuo Kasai at International Affairs Director at Chairman Kenichi Tanzaki, na nakatakda namang makipag-usap sa mga opisyal ng Philippine Soft Tennis Association (PSTA), POC at PSC sa darating na Enero 24.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Umaasa naman si PSTA President Jeff Tamayo na igagawad ng pederasyon ang pribilehiyo sa Pilipinas dahil ang Thailand ay ilang beses nang nakapagsagawa ng malalaking torneo sa soft tennis na tulad ng Asian Soft Tennis Championships at Asian Games noong 1998.

Idinagdag din ni Tamayo na optimistiko siyang bibigyan ng halaga ng ISTF ang naging tulong ng Pilipinas at ang pagiging miyembro nito bilang Board vice president for Southeast Asian Affairs at ang aktibong pagtulong sa mga aktibidad ng ISTF.

Inaasahan na sasabak sa World Soft Tennis Championships ang mahigit na 150 hanggang 180 atleta at opisyales na mula sa 43 miyembrong bansa sa pangunguna ng defending champion na Korea at Japan, gayundin ang United States, South American at European countries at maging sa East at Southeast Asia.