DINAGSA ng mga deboto nitong nakaraang Biyernes ang Traslacion na taunang ginaganap tuwing ika-9 ng enero. Sa araw na ito ay pinuprusisyon ang Black Nazarene.
Noong una, inilalabas ang imahe sa simbahan ng Quiapo at ibinabalik muli pagkatapos na ilibot ito sa paligid ng simbahan. Pero, may ilan taon na rin na ang ginagawa ay dinadala ang imahe sa Quirino Grandstand isang araw bago ito iprusisyon pabalik sa simbahan.
Tinataya na may 5 milyong deboto ang sumama sa nakaraang prusisyon. Dalawa ang namatay, may mga hinimatay at marami ang nasugatan sa mga ito. May nadukutan ng pitaka, at cellphone. May nawalang bata. Bakit hindi mangyayari ito eh napakarami nilang nagpupumilit na makalapit sa Poon. Dahil nais nilang makipasan din sa andas na kinalalagyan ng imahe o makatangan sa lubid na humihila rito, nagsisiksikan at nagtutulakan sila.
Pero, hindi ko nakita sa ginawa nilang ito ang panggugulang sa kanilang kapwa kundi ang kanilang matibay na pananalig sa Panginoon.
Hindi raw ganito karami noon ang mga deboto. Napuna rin nila ang pagdami ng kabataan na sumama sa Traslacion. Pero ang higit na kapuna-puna ay may kabataang babae na inilaban nila ang kanilang mga katawan sa mga katawan ng mga lalaking nakapaligid sa andas upang makasakay dito at makalapit sa imahe. Marahil napakabigat ng kanilang suliraning inihihingi nila ng lunas sa Panginoong Diyos o napakabigat ng kanilang suliraning naihingi nila ng himala sa Kanya.
Ang pagdagsa ng mga deboto ngayon ay nagsasalamin ng sitwasyon ng ating bansa. Sila iyong mga may sakit na hindi makapagpagamot, makapagaral, walang trabaho at dukha na inihahanap nila ng lunas. Hindi nila makita ito sa kanilang gobyerno dahil naging inutil ito gawa ng kaganiran ng mga namamahala nito. Kaya, iniaapela nila ang kanilang problema sa Panginoon Diyos sa pagsama sa Traslacion kahit na sila ay masaktan at mamatay.