Kinilala ang husay at galing nina Wroclaw 50th Tenpin Bowling World Cup Philippine representative at Guangzhou 16th Asian Games 2010 men’s singles gold medalist na si Engelberto Rivera at 2008 Philippine International Open women’s champion Krizziah Tabora bilang 2014 Bowlers of the Year sa katatapos lamang na 2014 sa Team Prima’s Annual Athletes Recognition Night sa V Corporate Centre sa Makati City.

Nakapaglaro ang 40-anyos na si Rivera sa World Cup sa Poland nang maghari sa BWC National Finals noong Agosto matapos ding makopo ang Masters title sa Philippine National Games noong Mayo para sa rekord na ikawalong Male Bowler of the Year award.

“It feels good to win again. It would definitely be tougher to repeat in 2015 as more talented youth bowlers start to emerge,” sambit kahapon ng international campaigner na si Rivera.

Tampok sa makinang na performance ni Tabora, patungo sa Female Bowler of the Year, ang unang career perfect game, pamamayagpag sa PBA Open Masters ladies at ang pagiging kasapi ng PH team sa Incheon 17th Asiad 2014.

'Impeach Sara!' Ilang progresibong grupo nagkilos protesta sa harap ng Kamara

Hinirang namang 2014 top Cebu bowlers sina BALP Open Masters champion GJ Buyco (men) at Sinulog Open Masters champion Samantha Lagcao (women) sa una nilang pagtanggap sa parangal.

Ang 18-anyos na si Enzo Hernandez na kinubra ang limang medalyang ginto sa Manila Asian Universities Championships at anim na 300 perfect games ang tinanghal na Male Youth Bowler of the Year.

Iniuwi ni Bea Hernandez ang Female Youth Bowler of the Year sa impresibong pagsabak sa Chinese Taipei, Singapore at Malaysian International Opens, bukod pa sa pagwawagi sa PBC Youth Quarterly tournaments. Most Improved Bowler of the Year naman sina Ray Snyder (male) at Dale Lazo (female).

Idineklara si Eboy Farr na Cyclist of the Year sanhi ng 15 international at national titles, kabilang ang ASEAN MTB Cup Series- overall men masters at ipinutong kina Sonny Montilla at Camille Gotohio ang Badminton Player para sa kalalakihan at kababaihan.

Naka-12 titulo si Montilla samantalang 13 si Gotohio habang napasakamay ang Photographer of the Year ni Jerry Lee.