Mismong si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mag-aabot kay Pope Francis ang isang espesyal na obra na regalo ng mga preso sa New Bilibid Prison (NBP) sa lider ng Simbahang Katoliko.
Ipinakita ni Fr. Anton Pascual, executive director ng Caritas Manila, ang regalo ng mga bilanggo sa Santo Papa—isang larawan ng Pope Francis, na maliwanag pa sa sikat ng araw ang ngiti, na iginuhit sa kahoy sa pamamagitan ng apoy.
“Ito ay hindi isang painting. Ang tawag dito ay pyrography at ito ay ginagawa sa pamamagitan ng pagsunog ng kahoy,” paliwanag ni Pascual, tungkol sa obra maestro ng bilanggong si Ariel Cabilluna.
“At dahil hindi nila personal na maibibigay ang regalo sa Papa, pinakiusapan nila akong iabot ito sa kanya,” dagdag ng pari.
Ang tanging kahilingan ng mga bilanggo ay makunan ng larawan si Pope Francis habang tinatanggap ang obra.
Sinabi ni Pascual na ang maliit na bersiyon ng wood burning ay natanggap na ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
At kung sakaling hindi maibibigay ang wood burning kay Pope Francis, ipadadala na lamang ito sa Vatican, ayon kay Pascual.
Tumutulong ang Caritas Manila sa mga bilanggo na makapagtatag ng kabuhayan upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng Restorative Justice Program. - Leslie Ann G. Aquino