ILOILO – Umaapela sa Vatican at sa lipunan ang tatlong pamilyadong pari sa Iloilo para sa awa at pang-unawa sa mga anak ng mga paring Katoliko.
Nananawagan sina Fr. Hector Canto, Fr. Jose Elmer Cajilig at Fr. Jesus Siva para sa dignidad ng mga batang anak ng mga pari habang sabik na inaabangan ng milyun-milyong Katolikong Pinoy ang pagdating sa bansa ni Pope Francis bukas.
“Indi naton pagsikway ang mga bata sang mga pari (Tigilan na natin ang pagtatakwil sa mga anak ng mga pari),” sinabi ni Canto sa Hiligaynon.
Suot ang kani-kanilang abito, sinaksihan nina Canto at Cajilig ang pagbibinyag ni Siva sa apat na buwang anak na lalaki ni Canto at limang buwang anak na babae ni Cajilig sa Lambunao nitong Linggo, na pista ng pagbabautismo kay Hesukristo.
“Ipinakikita ng binyag na ito na ang dignidad ng mga anak ng pari at ng mga paring may anak ay parehong kaloob ng Diyos, na mahal tayong lahat,” ani Cajilig.
“Pinanindigan namin ang aming mga anak. ‘Di namin sila inabandona. ‘Di namin pinabayaan ang kanilang mga ina,” sabi naman ni Siva, na pamilyado rin. “Umaapela rin kami sa mga Katoliko na magkaroon ng puso na gaya ng kay Pope Francis sa pamamagitan ng pagpapakita ng awa at pang-unawa sa aming mga anak.”
BUHAY MISTER, AMA
Bagamat isinusulong ng tatlong paring Ilonggo ang optional celibacy, iginiit nilang ituon ang atensiyon sa kapakanan ng mga bata na anak ng mga pari na itinatakwil.
“Kahit pa hindi paboran ng Vatican ang optional celibacy, ipinaglalaban naming ang karapatan ng aming mga anak at ng mga anak ng iba pang anak ng mga pari,” sabi naman ni Canto.
Sa tatlo, tanging si Canto, 53, ang kasal. Ginulat niya ang mga Katoliko nang pinakasalan niya ang 41-anyos na si Cynthia noong 1998 habang nakasuot siya ng abito sa seremonyang pinangunahan ni Siva.
At upang igiit ang ipinaglalaban niyang optional celibacy para sa mga pari, may “Opcel” (pinaikling optional celibacy) sa pangalan ng lahat ng anak ni Canto: sina Opcel Marie, 14; Mikael Opcel, 10; Opcel Hecynt, 7; at Gabriel Opcel, apat na buwan.
Ikinuwento rin ni Canto na nais ng anak niyang si Mikael na maging pari, bagamat tutol siya rito.
Si Cajilig, 53, ay may tatlong anak sa 26-anyos niyang kinakasama na si Kristine Joy Catalbas. Si Jesus Christ naman ang inspirasyon sa pangalan ng kanyang mga anak na sina J Chris, 10; J Christian, 5; at ang limang buwang si J Christine.
Si Siva, 54, ay may dalawang anak na lalaki sa hindi pinangalanang kinakasama niya. Ang 15-anyos niyang panganay na si Earl Bemordz ay autistic, habang 13-anyos na ang bunso niyang si Earl Jesri.
OPTIONAL CELIBACY
Simula 1998 ay pormal nang nangangampanya ang tatlong paring Ilonggo na tanggapin ng Vatican ang optional celibacy.
Naniniwala ang itinatag nilang Companiya De Los Padres De Pamilya na walang nakasaad sa Bibliya tungkol sa mandatory celibacy sa mga pari, at iginiit na sa nakalipas na mahigit 1,000 taon ay may ilang Papa ang nagpakasal at may mga pamilya.
Matatandaang inihayag ni Pope Francis noong nakaraang taon na ang “door is always open” sa talakayan tungkol sa usapin ng celibacy o hindi pakikipagtalik.