Inihayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas na mahigit P1.1B halaga ng mga proyekto para sa mahihirap ang ginugol para sa Cordillera Administrative Region (CAR) sa ilalim ng programang Bottom-up Budgeting (BuB) ng kagawaran mula 2013 hanggang 2015.

Sa unang taon ng pagpapatupad sa proyekto noong 2013, mahigit P306M ang inilaan sa 274 proyekto sa buong rehiyon na ipinatupad ng kalahok na national government agencies (NGAs) o kuwalipikadong local government units (LGUs). Sa 274 proyekto, 229 na ang natapos.

Nitong 2014, mahigit P808M ang ginugol sa 1,163 proyekto sa CAR na 25 ang natapos noong nakaraang Oktubre.

"Ito ang pinakakongkretong paraan upang ipakita na kayo ang boss ng pamahalaang ito," ani Roxas.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Para maging kuwalipikado, kailangang makapasa ang LGUs sa Seal of Good Local Governance na paraan ng DILG upang matiyak na may kakayahan ang mga ito na magpatupad ng mga proyekto para sa ikabubuti ng mamamayan.

"Dapat masiguro nating hindi bababuyin ang pera ng taumbayan," diin ni Roxas.

Sa pangkalahatan, ang maximum budget allocation na pinahintulutan para sa LGUs ay nabawasan mula P50M noong 2013 at 2014 at P30M ngayong 2015.