Kinasuhan ng plunder sa Office of the Ombudsman si dating Makati City Vice-Mayor Ernesto Mercado.
Ang kaso ay isinampa ng isang Louie Beraugo, negosyante, ng Sta. Rosa, Laguna, at dating aktibista sa University of the Philippines (UP).
Aniya, wala siyang hawak na anumang ebidensya laban kay Mercado, at tanging transcript ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga isyu kontra kay dating Makati Mayor at ngayo’y Vice President Jejomar Binay ang pinangahahawakan niya.
Pagdadahilan ni Beraugo, sa panahon ng pagdinig ay inamin ni Mercado na tumanggap ito ng aabot sa P80 milyon.
Sinabi ng complainant na walang ibang nasa likod ng pagsasampa niya ng kaso at ginawa niya lang umano ito nang tumahimik ang taumbayan sa kabila ng mga inaming kamalian ng dating bise-alkalde.
Hiniling din ni Beraugo sa anti-graft agency na pagtuunan ng pansin ang isinampa nitong kaso laban kay Mercado.