Karangalan ng bansa ang nakataya kaya todo-higpit ang ibibigay na seguridad kay Pope Francis sa limang araw niyang pananatili sa Pilipinas.

Ito ang inihayag ni Pangulong Benigno S. Aquino III, na nagsabing itinuturing na malaking karangalan para sa bansa ang pagdalaw ng pinakamataas na pinuno ng Simbahang Katoliko kaya sakaling may hindi magandang kaganapan o mangyari sa Papa ay makasisira ito sa imahe ng bansa.

Binigyan-diin ng Pangulo na obligasyon ng gobyerno ang kaligtasan ni Pope Francis at ng taumbayan, at tungkulin ng lahat na maging matagumpay ang pangangasiwa rito ng Pilipinas.

Sa ngayon ay dinoble pa ng mga pulis ang pagbabantay, lalo sa idaraos na misa sa Quirino Grandstand sa Maynila sa Linggo, kumpara noong bumisita sa bansa sina Pope Paul VI at Pope John Paul II.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Kung dati ay sinasabing umabot lang sa limang milyon ang dumalo sa nasabing aktibidad, inaasahan ngayon ay mahihigitan pa ang nasabing bilang dahil 100 milyon na ang populasyon ng bansa.

Gayunman, nilinaw ng Pangulo na sa ngayon ay walang direktang banta sa Papa pero nakikipag-ugnayan pa rin sila sa mga counterpart sa international community upang hindi malusutan.

Kaugnay nito, nanawagan ang Pangulo sa publiko ng pangunawa, konsiderasyon, pakikiisa at disiplina para sa ligtas at maayos na pagbisita ni Pope Francis sa bansa sa Enero 15-19.