Ni JAMES CHRISTIAN MAKALINTAL, trainee

HINDI lingid sa kaalaman ng lahat na si Marietta Subong o Pokwang ang galing niya sa pagpapatawa. Ilang pelikula at palabas sa telebisyon na rin ang nagpatunay sa kahusayan niya sa pagganap sa kahit na anong karakter.

Ngayong araw nakatakdang ipalabas sa wakas ang pinakainaabangan at pinag-uusapang pelikulang handog ng The Filipino Channel (TFC) para sa ika-20 anibersaryo nito. Bubuksan ng Star Cinema ang taong 2015 sa pamamagitan ng Edsa Woolworth na mula sa panulat ng beterano at US-based na manunulat na si Noel Nuguit.

Hindi na bago kay Pokwang ang paggawa ng ganitong pelikula dahil dati na siyang gumanap bilang overseas Filipino worker (OFW) at ito rin ang pagbabalik tambalan nila ng director na si John D. Lazatin na siya ring nagdirehe sa kanya sa A Mother’s Story na prinodyus din ng TFC at ipinalabas ng ABS-CBN International sa iba’t ibang bansa.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Pero ayon na rin sa komedyana, “Kakaibang Pokwang po ang mapapanood sa Edsa Woolworth.”

Ang Edsa Woolworth ay tumatalakay sa usaping pangpamilya. Ito ay kakaibang kuwento ng pamilya na umiikot sa iba’t ibang karakter na may iba’t ibang personalidad, wika, nasyonalidad, kultura at ang katotohanan na hindi sila magkakadugo. Bagamat may kanyakanyang pagkakaiba ay masaya at buo ang pamilya Woolworth na may malaking respeto at pagmamahal sa isa’t isa. Isang nakatutuwang pagsasama-sama ng kakaibang pamilya na kahit may mga di-pagkakaunawaan ay napapanatili ang matibay na samahan. Natural lamang na maraming bangayan at dipagkakaunawaan na maipapakita sa pelikulang ito pero dahil sa masinop na panulat at direksiyon ay maganda ang kinalabasan nito.

Hindi maitatanggi na kaabang-abang na pagganap na naman ni Pokwang ang masasaksihan. Kung napaiyak niya ang mga manonood sa A Mother’s Story, tiyak na mas matindi ang iluluha sa Edsa Woolworth. Hindi dapat palagpasin ang kakaibang pagganap ni Pokwang bilang panganay at tanging anak na babae ng isang pamilyang pinamumunuan ng Amerikanong ama. Haharapin ng karakter ni Edsa ang malaking pagsubok, ang pagbalanse sa gusto ng kanyang puso at ang labis niyang respeto at pagmamahal sa pamilya.

Unang ipinalabas ang Edsa Woolworth sa Canada at US noong nakaraang Nobyembre at inulan ito ng magagandang review ng mga nakapanood na nito. Bagamat may katatawanan ay meron din naman itong tamang timpla ng romansa at drama na siyang nagpaganda sa pelikula. Kabilang sa mahuhusay na nagsiganap sa Edsa Woolworth ay sina Lee O’Brian, Stephen Spohn, Ricci Chan, Prince Saruhan, Lee Robin Salazar, at Princess Ryan. Ngayong araw na ang opening day nito sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa.