BULONG SA HANGIN ● Naglalakad na ako sa kalye nang makita kong nagsisigâ na naman ng damo at basura ang aking kapitbahay. Pero nagtatakip siya ng panyo upang huwag niyang maamoy ang usok. Hindi yata nalalaman ng kapitbahay kong ito ang tungkol sa umiiral na climate change – na nasisira na ang natural na lagay ng daigdig dahil sa dumi sa hangin. Mapapaaway lang ako kung pupunahin ko ang pagsisigâ niya ng basura at magagahol ako sa aking trabaho kung lelektsuran ko siya ng Pollution 101.

Napaulat na nanawagan si Pangulong Noynoy ng pagkakaisa upang labanan ang climate change. Ginawa niya ang panawagan sa isang tradisyunal na toast sa Malacañang sa harap ng diplomatic corps. Aniya, napatunayan ang kahalagahan ng nagkakaisang pagkilos bilang iisang komunidad laban sa climate change, terorismo at epidemyang ebola. “united we stand, divided we fall,” anang Pangulo. Tayo ang responsable sa ating daigdig at ang kinabukasan nito. Wala nang ibang oras para kumilos kundi ngayon. Panawagan din niya na kumilos ang bawat tao, bawat bansa sa bahagi nito na resolbahin ang mga isyu na kinasasangkutan ng pagkasira ng kalikasan at polusyon. Ngunit ang panawagang ito ay mananatiling bulong lang sa hangin kung walang pangil ang mga batas na nakatuon sa pangangalaga ng kalikasan. Sa kapitbahay kong nagsisiga ng damo at basura uma-umaga, sa mga katulad niya sa iba pang lugar sa bansa, sa mga nagtatapon ng basura at ebak sa ilog, sa mga pabrikang hindi inaalintana ang kapaligiran, gantihan sana kayo ng Inang Kalikasan.

***

LAYA KA NA ● Iniulat na maglalabas ngayong linggo ng listahan ng mga pangalan ng preso na pagkakalooban ng executive clemency ni PNoy. Nagpapatuloy ngayon ang deliberasyon sa naturang listahan sa Malacañang. una nang inihayag ng Bureau of Corrections na aabot sa 200 preso ang kasali sa listahan na mapapalaya. Prioridad na palalayain yaong may mga sakit, inabandona ng pamilya at uugud-ugod na. Bahagi ng papal visit na magsisilbing regalo para sa Papa ang nasabing pagpapalaya sa mga ito. Nasa kapangyarihan ng Pangulo, atas ng Konstitusyon, na bigyan ng pardon ang sinumang bilanggo. Ano kaya ang mararamdaman ng mga pamilyang inagrabyado ng mga kriminal kapag nalaman nilang makalalaya na ang gumawa sa kanila ng karumaldumal na krimen?

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'