PAGKATAPOS tumama ang bagyong Ruby sa Pilipinas sa unang bahagi ng Disyembre, inakala ng marami na wala nang darating na unos hanggang matapos ang taon. Sa huling bahagi ng taon, pumasok sa teritoryo ng Pilipinas ang bagyong Seniang noong Disyembre 28 at limang ulit na tumama sa lupa bago lumisan noong Enero 2.

Mahina lamang ang hanging dala ng nasabing bagyo, nguni’t mabigat ang dalang ulan, na naging sanhi ng malawak ng pagbaha sa iba’t ibang panig ng Mindanao at Kabisayaan at sumira ng maraming pananim at imprastraktura. Sa pinakahuling ulat ng national Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang bagyong Seniang ay nag-iwan ng 66 patay, nakaapekto sa mahigit 123,000 pamilya at sumira ng P768 milyong halaga ng imprastraktura at pananim. Kabilang sa mga sinalanta ng nasabing bagyo ang mga lugar na hindi pa nakakabangon sa pananalanta ng bagyong Yolanda noong 2013.

May ilang nakapuna na ang pagtulong sa mga biktima ng mga huling bagyo noong 2014 ay hindi kasing-sigla ng pagtulong noong bagyong Yolanda. May mga nagtanong pa nga na tila napapagod na sa pagtulong ang mga malalaking kumpanya. Hindi ko alam ang batayan ng nasabing obserbasyon, ngunit sa karaniwan, ang halaga ng tulong na ipinadadala sa mga lugar na inabot ng kalamidad ay iniaayon sa pangangailangan. napakalaki ng pinsalang iniwan ng bagyong Yolanda, kaya ganoon din kalaki ang naging tugon ng mga tumulong na pamahalaan at organisasyon.

Kabilang ang aking mga kumpanya at ang Villar SIPAg (Social Institute for Poverty Alleviation and governance) Foundation ng aking pamilya sa mga dagliang sumaklolo at tumulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda at iba pang kalamidad. ngunit mahalaga rin na pagkatapos ng dagliang tulong ay ang pagbibigay ng hanapbuhay o ikabubuhay sa mga biktima. Ang totoo, ang aking personal na adbokasiya na tumulong sa aking mahihirap na kababayan ay hindi humahangga lamang sa panahon ng kalamidad. Bahagi ng adbokasiyang ito ang pagtuturo at paghikayat sa mga Pilipino na maging negosyante para makaahon sa kahirapan. noong nakaraang Disyembre, nagbigay ang Villar SIPAg ng kabuuang P4 na milyon sa mga nagwagi sa pambansang pagtuklas sa mga negosyante na pangkomunidad na nagsilbing mga “makina ng pagsulong” upang mabawasan ang kahirapan sa bansa.

National

Hontiveros, binuweltahan ‘budol’ remark ni Villanueva hinggil sa Adolescent Pregnancy Bill

Ang proyektong ito ng Villar SIPAg Foundation ay kumikilala sa community enterprises na nagsisilbing modelo sa pagsugpo sa kahirapan. Dalawang taon pa lamang ang Villar SIPAg Awards, at layon kong ipagpatuloy ang proyektong ito upang mahikayat ang maraming Pilipino na maging entreprenor. Ang Villar SIPAg Foundation ay may mga programa rin na nagtuturo at nagsasanay sa mga mahihirap upang magtayo ng sariling negosyo.

Bilang bahagi pa rin ng aking adbokasiya, kamakailan ay ibinigay ko ang P1 milyon, na natanggap ko bilang retirement fund dahil sa 21 taong serbisyo sa pamahalaan, sa Roman Catholic Diocese ng Balanga para sa mga proyekto nito na tumutulong sa kabataan. Isa sa mga proyekto ng diocese, sa pangunguna ni Bishop Ruperto Santos, ang pagtatayo ng St. John Paul II youth summer camp at kapilya.