KASABAy ng pag-ugong ng napipintong paghirang ni Presidente Aquino kay undersecretary Janette Garin bilang Kalihim ng Department of Health (DOH), umugong din ang ipinahiwatig kamakailan ni dating DOH Secretary enrique Ona: “I’m sure there is politics there. I’m not a politician. Being a secretary of health is enough for me.”
Hindi ko matiyak kung ang pinasasaringan ni Ona ay ang hinalinhan niyang opisyal; at lalong hindi Malacañang ang kanyang tinutukoy sapagkat sa lahat ng sandali, sinasabi niya na wala siyang hinanakit sa Presidente. Ang natitiyak ko, si Garin ay isang pulitiko sapagkat siya ay dating kongresista sa Iloilo at mataas ang kanyang posisyon sa Kamara; natitiyak ko rin na siya ay kaalyado ng Pangulo sa lapian ng administrasyon; natitiyak ko rin na si Garin ay angkop na angkop na DOH Secretary bilang isang doktor.
May lohika ang pananaw ni Ona. Tila biktima siya ng pulitika sa DOH sapagkat ang mga akusasyon na ibinibintang sa kanya ay nagmula sa mismong kagawaran na minsan niyang pinamunuan. Mga anomalya ito hinggil sa pagbili ng anti-pneumonia vaccine at clinical trial para sa dengue treatment na mahigpit naman niyang pinabubulaanan. Iniutos na ng Pangulo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon tungkol sa naturang alingasngas.
May lohika rin ang pahiwatig ni Ona na ang DOH ay isang epektibong hagdan o jumping board sa pagkandidato para sa Senado. Marahil nga, sapagkat ito ang naging behikulo ng yumao at dating DOH Secretary Juan Flavier.
Subalit naiiba si Manong Johnny, tulad ng tawag sa kanya ng lahat, lalo na ng kanyang mga kaalyado sa President ramos cabinet. At hindi siya naging biktima ng pulitika at intriga sa iba’t ibang sektor ng sambayanan, lalo na sa mismong kagawaran na minsan niyang pinangasiwaan; wala siyang niyapakang sinuman. Isa rin siyang doktor na nagpanukala ng katakuttakot na batas hindi lamang sa larangan ng medisina kundi maging para sa kagalingan ng taumbayan.
Walang amoy-pulitika sa pagkakaluklok kay Manong Johnny bilang topnotcher noong 1998 Senate elections.