Matapos ang halos 15-minutong habulan, nadakip din ng mga pulis ang tatlong lalaki na nanghi-jack sa isang closed van na may mahigit P1 milyon halaga ng prutas at gulay sa Valenzuela City, kamakalawa ng umaga.
Sinabi ni Chief Insp. Art Quinonez, hepe ng Station Investigation Unit (SIU), paglabag sa RA 6539 (Anti-Carnapping Law of 1972) at RA 10591 (Comprehensive Law on Firearm), ang kinakaharap na mga kaso nina Arvin Sulana, 37, driver, ng Block 45, Lot 8, Area C, Sapang Palay, Bulacan; Frisyl Plasa, 40, ng Block 4, Lot 12, Area C, Sapang Palay, Bulacan; at Arnel Balala, 34, may asawa, ng Block 101, Lot 23, Area D, Purok 7, Sapang Palay, Bulacan.
Dakong 5:00 ng umaga noong Lunes nang ipinarada nina Genesis Cervantes, driver; at Leonaldo Montejo, pahinante, ang Isuzu closed van (RJK-564) na may mga prutas at gulay para i-deliver sa SM Hypermart sa Mac Arthur Highway, Barangay Karuhatan, Valenzuela City.
“Hinihintay po namin ‘yung pagbubukas ng SM kaya, ipinarada namin ‘yung sasakyan sa gilid ng Mac Arthur Highway,” ani Cervantes.
Laking gulat ng mga biktima nang biglang sumipot ang mga suspek, bumunot ng .45 caliber pistol bago tinangay ang van.
Pagsapit sa Mac Arthur Highway sa Barangay Malinta ay pinababa sina Cervantes at Montejo, na agad namang nagtungo sa istasyon ng pulis para ipabatid ang pangyayari.
Kasama ang mga biktima, hinabol nina Soriano, SPO2 Alexander Manalo, PO3 Plaridel Tumlos at PO3 Freddie Lim ang mga suspek hanggang sa abutan ang mga ito sa Meycauayan, Bulacan at maaresto.