Dalawang rice trader ang nahaharap sa kasong smuggling makaraan silang mahuli ng Bureau of Customs (BOC) na ilegal na nag-aangkat ng 1.3-milyong kilo ng glutinous rice sa Cagayan De Oro Port.

Isinampa kahapon ng BOC ang kaso laban kina Elmer Caneta at Michael Abella, may-ari ng EC Peninsula Commercial at New Dawn Enterprises, ayon sa pagkakasunod, sa Department of Justice (DoJ).

Sinampahan sila ng patungpatong na kaso ng paglabag sa Section 3601 ng Tariff and Customs Code of the Philippines (TCCP) para sa unlawful importation; at Section 29 ng Presidential Decree (PD) Number 4, na inamyendahan sa PD No. 1485, o failure to obtain import permits, ayon sa BoC.

Ang ilegal na rice shipment ng New Dawn Enterprises at EC Peninsula Commercial ay dumating nitong Nobyembre sa Port of Cagayan De Oro.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Ipinadala ang rice shipments lulan ng 53 20-foot container vans at na-misdeclared bilang gypsum boards, plaster board, kitchenware at tiles.

Sa kanilang import documents, iba ang deklarasyon ng New Dawn at EC Peninsula upang maiwasan ang detection ngunit natukoy din ito ng Customs intelligence agents na naglalaman ng glutinous rice mula sa Vietnam.

Hindi nabigyan ng Certificates of Eligibility ang dalawang kumpanya upang mag-angkat ng bigas ng National Food Authority (NFA) o kumuha ng kinakailangang import permits mula sa ahensiya para sa kani-kanilang rice importations.