Ni MAR T. SUPNAD

CAMP TOLENTINO, Bataan – Kinumpirma kahapon ng Bataan Police Provincial Office ang pagkakadakip sa umano’y bumaril at nakapatay kay Nerlie Ledesma, correspondent ng pahayagang Abante, at kasabay nito ay pinabulaanang may kinalaman sa pamamahayag ang motibo sa pagpaslang.

Sa pahayag na ipinamahagi sa local media, kinilala ni Senior Supt. Rhodel Sermonia, acting police director, ang naaresto na si Inocencio Bendo, ng Sitio Torres, Barangay San Juan sa Samal.

Sinabi ng pulisya na naaresto ang suspek dakong 7:00 ng umaga nitong Enero 9, 2015, ng pinagsanib na puwersa ng SITG LEDESMA na nagsagawa ng follow-up operation sa Sitio Torres. Kahapon nang hapon lang iniulat ang pag-aresto kay Bendo.

National

Amihan, shear line, magpapaulan sa malaking bahagi ng PH

Sinabi ni Sermonia na naaresto ang suspek matapos itong positibong kilalanin sa litrato ng isang saksi na kapitbahay ng mga Ledesma.

Enero 8 nang apat na beses na barilin nang malapitan si Ledesma habang naghihintay ng masasakyan sa kanilang lugar.

Nakatutok ngayon ang pulisya sa posibilidad na konektado si Bendo sa grupo na tumututol kay Ledesma bilang pinuno ng Homeowners’ Association, o kung miyembro ito ng isang grupong gun-for-hire at inupahan ng isa pa upang patayin ang biktima.

“Kaya hindi na naming ikinokonsiderang dahilan sa pagpatay ang trabaho niya (Ledesma) bilang media practitioner,” sabi ni Sermonia.

Samantala, iniulat din ng pulisya kahapon ang pagkakaaresto sa isang barangay tanod na nagtangka pero nabigong patayin ang isang dating leader ng homeowners’ association at mismong pinalitan ni Ledesma, at tinitingnan din ng pulisya ang kaugnayan nito sa pagpatay sa reporter.

Kinilala ni Sermonia ang nadakip na si Juan Folo, barangay tanod sa Phase I TAGNAI, Sitio San Rafael, Bgy. Tuyo sa Balanga City.