ANG Pagbibinyag sa Panginoon, na ginugunita ngayong Enero 13, ay ang pagsisimula ng ministeryo ni Jesus, na nakatala sa ebanghelyo nina Mateo, Marcos, at Lucas. Kailangang binyagan si Jesus upang ihanda sa Kanyang dakilang gawain. Bininyagan siya ni San Juan Bautista sa Ilog Jordan na nangaral sa madla: “Binibinyagan ko kayo sa tubig para sa pagsisisi, ngunit Siya na darating na kasunod ko ang magbibinyag sa inyo sa Espiritu Santo.”

Nang binyagan si Jesus, bumukas ang langit at nanaog ang Espiritu Santo na parang kalapati, at narinig ang isang tinig mula sa alapaap: Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan” (Mt 3:16-17). Sa makalangit na patotoong ito, itinatag ang sakramento ng binyag.

Si San Juan Bautista ang itinalagang emisaryo ng Diyos. Bago sinimulan ni Jesus ang Kanyang ministeryo, sinabi ni Juan sa madla sa buong Jerusalem at Judea na humanda sa pagdating ng Mesiyas. Idineklara niya na si Jesus ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas na kanilang pinakahihintay. Sa pagturo niya sa daan patungo kay Jesus, nanawagan si Juan sa kanila na magsisi, talikdan ang kasalanan, at magpabinyag.

Unang ipinagdiriwang ang Pagbibinyag sa Panginoon sa Epifania, na gumugunita sa tatlong tagpo – ang pagdating ng Tatlong Pantas, ang pagbibinyag kay Jesus, at ang kasalan sa Cana kung saan ginawang alak ni Jesus ang tubig. Sa loob ng maraming taon, hiwalay ang Pista ng Pagbibinyag kay Jesus sa iba pang tagpo sa Epifania. Ang Kanyang binyag ay isa sa limang pangunahing milyahe sa ebanghelyo ng buhay ni Jesus; ang iba pa ay ang transpigurasyon, ang krusipiksiyon, ang resureksiyon, at ang asunsiyon.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Ang Pagbibinyag kay Jesus ang una sa limang Luminous Mysteries of the Holy Rosary, na nakatuon sa pampublikong pamumuhay ni Jesus – ang mga taon ng Kanyang pangangaral sa pagitan ng Kanyang pagbibinyag at ang Kanyang kamatayan – na ipinatupad ni St. John Paul II sa kanyang Apostolic Letter na Rosarium Virginis Mariae, noong Oktubre 2002.

Matapos ang pagbibinyag kay Jesus, pinangunahan Siya ng Espiritu Santo sa ilang kung saan nanatili Siya roon ng 40 araw. Tinukso ng diyablo, prinotektahan Siya ng mga anghel. Nang magbalik si Jesus, nakita Siya ni Juan at sinabing: “Narito ang Kordero ng Diyos na mag-aalis ng kasalanan ng mundo” (Jn 1:29). Sumunod kay Jesus ang mga alagad ni Juan, at isa roon si Pedro.

Pagbalik sa Jerusalem, nakipagtalo Siya sa mga Judio sa ginagawang templo. Nagbalik si Jesus sa Jordan patungong Betania kung saan nagbibinyag pa rin si Juan. Maaya Siyang tinanggap doon at marami ang dumulog sa Kanya mula sa iba’t ibang bayan at lalawigan, dala ang mga may sakit at pinagaling Niya ang mga iyon, at kahit saan Siya magtungo, kasunod Niya ang madla. Nagbalik si Jesus sa Jerusalem sa Linggo ng Palaspas, ang pagsisimula ng Kanyang pagpapakasakit, kamatayan, at muling pagkabuhay.