LIMANG taon na ang nakalilipas, 34 peryodistang Pilipino ang minasaker habang kino-cover nito ang paghahain ng isang certificate of candidacy sa lalawigan ng Maguindanao na dating pinaghaharian ng pamilya Ampatuan. Inimbita ang mga ito upang saksihan ang paghahain ng naturang certificate, na maaaring nakitang isang paghamon sa paghahari ng nasabing pamilya sa pulitika.
Ang 34 peryodista ay kabilang sa 58 biktima sa isang convoy ng anim na behikulo at dalawang kotse na tumatahak sa iisang highway. Pinahinto sila ng may sandaang armadong lalaki na agarang pinagbabaril sila at sinimulang ilibing ang mga bangkay gamit ang isang excavator. Ito ang pinaka-karumaldumal na insidente sa kasaysayan ng media sa Pilipinas. Sa mahigit 198 suspek ang kinasuhan ng murder, at halos 200 nasasakdal at 300 saksi, mabagal ang pag-usad ng paglilitis. Limang taon na ngayon mula mangyari ang masaker noong Nobyembre 23, 2009, at hindi pa natatanaw ang pagtatapos.
Magugunita natin ang Maguindanao massacre sa nangyaring pagpatay kamakailan sa limang peryodista – ang editor-in-chief at apat na karikaturista ng isang satyrical magazine na Charlie Hebdo ng Paris, France – at pitong iba pa ng dalawang Islamic militant na nagalit sa paglalathala ng mga karikatura na naglalarawan kay propeta Mohammed. Sa sumunod na araw, nilusob ng mga armado ang isang printing office at isang Jewish supermarket sa labas lamang ng Paris. Dalawang araw ng karahasan ang kumitil sa buhay ng 21 katao.
Kinondena ang mga pag-atakeng naganap sa Paris sa mga rally na idinaos sa mga lungsod sa Europe. Agad namang tiniyak ni United States President Barack Obama kay President Francois Hollande ng France ang simpatiya at suporta at ganoon din ang mga leader Britain, Italy, Germany, Russia, Canada, Japan, Turkey, Egypt, Israel, at Iran.
May pahayag din ng pangamba na ang pag-atake sa Paris ay maaaring hudyat ng panibagong yugto ng karahasang inihahasik ng mga terorista sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Nag-aalala ang US para sa mga US citizen sa East Asia at sa Pacific, kabilang ang Pilipinas. Binaggit nito ang mga banta ng pangingidnap sa Sulu at sa tuluy-tuloy na banta ng karahasan sa central Mindanao.
Nakikiisa tayo sa pagkondena ng Paris massacre, lalo na sa pagdurusa natin sa sarili nating masaker sa mga peryodista. Ngunit umaasa tayo na mawawala ang banta ng karahasan sa Mindanao sa pamamagitan ng pagsisikap ng gobyerno ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Force na matamo ang kapayapaan.
Ang pagsisikap na iyon ay humantong na sa huling hakbang sa Kongreso kung saan tatalakayin at pagdedebatihan ang Bansamoro Basic Law. May mga kuwestiyon sa konstitusyonalidad, at iba pa, ngunit ang totoong inaasahan na matatagpuan ang daan tungo sa kasunduan sa mahahalang isyu. Sa pag-asang iyon nakaankla ang inaasam na kapayapaan sa masalimuot na bahaging iyon ng ating bansa.