Mga laro bukas:
(FEU Diliman pitch)
1 p.m. – NU vs DLSU (men)
3 p.m. – ADMU vs FEU (men)
Pinataob ng University of the Philippines (UP) ang season host University of the East (UE), 6-0, upang manatiling namumuno sa pagpapatuloy ng UAAP men’s football tournament sa Moro Lorenzo Football Field sa Ateneo.
Ang Fighting Maroons ay nagkaroon lamang ng sampu players matapos na magawaran ng dalawang yellow cards si Albert Yatco sa 69th minute na naging dahilan upang mapatalsik siya sa labas ng field.
Gayunman, ni hindi ininda ng Maroons ang pagkawala ni Yatco para maangkin ang panalo na nagbigay sa kanila ng kabuuang 13 puntos.
Sa isa pang laban, nagtapos naman sa first goaless draw ng season ang sagupaan ng Ateneo at La Salle.
Bunga nito, solong pumapangalawa ngayon sa team standings ang Blue Eagles na may natipong 11 puntos.
Unang naka-goal para sa UP si Julian Clarino sa 6th minute na sinundan ni Carlos Monfort sa 18th minute at ni Jose Fermin makalipas ang isang minuto bago ang isang injury time goal sa first half.
Sa second half, nagdagdag naman ng panibagong goals sina Jinggoy Valmayor (59th) at Michael Simms (89th) para duplikahin ang kanilang naitalang 6-0 panalo laban sa Adamson bago ang Christmas break.
Pinadapa naman ng defending champion Far Eastern University (FEU) ang Falcons, 9-1, sa isa pang laban para makapuwesto sa pangatlong upuan na hawak ang 10 puntos sa larong ginanap sa kanilang home pitch sa FEU-Diliman.
Nagposte ng apat na goals si Eric Giganto para sa Tamaraws upang tanghaling league’s leading goalscorer.
Sa pamumuno naman ni Paolo Salenga, tinalo ng National University (NU) ang University of Santo Tomas (UST), 3-1, para makisalo sa Tamaraws sa ikatlong puwesto sa natipong 10 puntos.
Gayunman, nakakaangat pa rin sa kanila ang FEU sa bisa ng goal difference.
Dahil sa kanilang kabiguan, nalaglag ang Green Booters sa Top 4 matapos makatipon lamang ng 9 na puntos habang sumusunod sa kanila ang Tigers na may 6 puntos, ikapito ang Red Warriors na may 3 puntos habang bokya pa rin ang Falcons.