ALLATTATELI ● Paano kang hindi hahanga kay Pope Francis, na kilalang lumilihis sa nakagawiang mahihigpit na panuntuhan ng Vatican sa mga Papa. Noong Linggo, inulat na nagbinyag si Pope Francis ng 33 sanggol sa Sistine Chapel sa Vatican City at sinabihan ang mga ina na maaari silang magpadede sa kanilang mga anak kung iiyak ang mga ito dahil nagugutom. Anang Papa sa mga ina na malaya silang padedehin ang kanilang mga baby at huwag silang mag-alala, na lihis uli sa nakahanda niyang sasabihin.

Sa nakahandang homiliya ng Papa, nakasulat doon ang pariralang “give them milk” ngunit lumihis uli siya at pinalitan ng “allattateli” na Italian para sa “padedehin sila” at dinagdag na huwag silang mag-alala o mahiya sa loob ng simbahan. Pinaalalahanan ni Pope Francis sa mga naroon na maraming ina sa buong mundo ang hindi makapagbigay ng makakain sa kanilang mga anak sa buong mundo. Marahil ang balitang ito ay isa ring panawagan para sa mga pamahalaan sa buong mundo, na maging mapagkalinga sa maralitang sektor ng kanilang nasasakupan kung saan ang mga bata ang totoong biktima ng kanilang kawalan ng pakiramdam.

***

IBA NA LANG ● Paano kung ayaw uli ni American Boxer Floyd Mayweather Jr. na makaharap si Pambansang Kamao Manny Pacquiao sa lona? Maaari raw isabak ang kagalang-galang nating Rep. Pacquiao kay Amir Khan ng Britain o kay Danny Garcia ng Amerika. Umaasa si Hall of Fame trainer Freddie Roach na maikakasa sa Mayo 2, 2015 ang $200-M welterweight megabout nina WBO welterweight champion Manny Pacquiao at WBC/WBA titlist Floyd Mayweather Jr. dahil tatlong boksingero na lamang ang puwedeng kumasa kay Manny. Ayon kay Bill Emes ng BoxingScene.com, nilinaw ni Roach na kabilang sa kanyang contingency plan si Khan at ang tumalo rito na si WBC at WBA light welterweight champion Danny Garcia. Ani Roach, kung hindi mangyayari ang labanang Pacman-Mayweather, malaking kabiguan ito para sa buong mundo. Nais umano niyang ibigay sa fans ni Manny ang hinihingi ng mga ito. Aniya pa, "If another fight comes along, we're not just going to sit here and wait for this guy. Activity if very important. I just don't know who's next”. Hindi naman daw umano marami ang mapagpipiliang kalaban sa daigdig. Huwag din sanang biguin ni Mayweather ang kanyang boxing fans, kung mayroon man.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte