students of pangasinan_basa 0113

CALASIAO, Pangasinan - Naperhuwisyo ang mahigit 1,000 mag-aaral sa elementarya matapos i-padlock ang main entrance ng Buenlag Central Elementary kahapon ng umaga dahil lang sa isang petisyon kontra sa principal ng paaralan.

Nabatid na ilang katiwalian ang ibinabato sa principal na si Digna Bauzon, presidente ng teachers’ association sa Region 1, ng Bued, Calasiao, kabilang na ang umano’y madalas na pangongolekta nito ng kontribusyon para sa ilang proyekto. Tinagurian din siyang money maker, absentee, bukod pa sa pambabatikos sa personal nitong buhay.

Sinagot naman ito ni Bauzon sa Balita, sinabing nabigla siya sa petition letter na biglang kumalat sa mga lokal na istasyon ng radyo at pagdating niya sa eskuwelahan ay nakita niyang nakakandado ang main gate, dahilan para hindi na makapasok ang mga bata.

National

3 weather systems, patuloy na nakaaapekto sa PH – PAGASA

Pinabulaanan naman ng OIC ni Bauzon na si Mrs. Adalia Mamaril ang lahat ng akusasyon, iginiit na walang ginagawang mali ang principal at lahat ng ginagawang proyekto sa paaralan ay napagkasunduan ng PTA.

Suportado naman ng maraming guro mula sa iba’t ibang pampublikong paaralan si Bauzon at nanindigang malinis at maayos ang pamamalakad ng principal.

Kaugnay nito, nanawagan naman ang principal sa pamunuan ng PTA na huwag nang impluwensiyahan ang mga magulang ng mga mag-aaral, at sa halip ay humarap at makipagdiyalogo upang hindi maperhuwisyo ang pag-aaral ng mga bata.

Naging mahinahon naman ang kilos-protesta ng ilang magulang na inantabayanan ng mga tauhan ng Calasiao Police. (Liezle Basa Iñigo)