Tumatag ang kapit ng Cafe France sa ikatlong puwesto matapos gapiin ang AMA University sa overtime, 74-68, kahapon sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants Cup sa JCSGO Gym sa Cubao.

Nagsanib puwersa sina Cameroonian center Rodrigue Ebondo at reigning NAASCU MVP Samboy de Leon sa extrang 5 minuto kung saan ay na-outscore ng Bakers ang Titans, 12-6, para maangkin ang panalo.

Nagtala ng 6 puntos si De leon at 4 puntos naman si Ebondo sa extension para gapiin ang Titans matapos hatakin ang laro sa overtime kasunod ng 3-pointer ni Maverick Ahanmisi, may 10.9 segundo na lamang ang nalalabi sa regulation.

Una rito, nilimitahan ng AMA ang Cafe France sa team lowest nito na 9 puntos sa pagtatapos ng first period at mula sa iskor na 17-9, lumawig pa ang kalamangan sa 25-13 sa second quarter, ngunit nagawa itong idikit ng huli sa 5 puntos, 28-33, sa kaagahan ng third period.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Muling lumayo ang AMA sa huling bahagi ng third canto at ipinoste ang pinakamalaki nilang lamang, 43-29, matapos ang 5-point cluster mula kina James Martinez at Ralph Olivarez.

Ngunit pagdating sa final period, nagsimula uling dumikit ang Bakers at naging dikdikan na ang laban hanggang sa humulagpos ang pagkakataon ng Titans na tapusin ang laro sa regulation.

``The only good thing that happened in this game is that we showed the character of this team. We showed how to bounced back even if we we played poor basketball game. That`s the lesson we learned today,`` pahayag ni coach Egay Macaraya.

Tumapos na top scorer para sa Cafe France si Ebondo na nagtala ng 18 puntos, kasunod si Ahanmisi at De leon na mayroong 17 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod, habang namuno naman para sa AMA Universitty na bumaba sa barahang 3-7 si Martinez na mayroong game high na 23 puntos habang sumunod si Jay-R Taganas na nag-ambag ng 15 puntos at 18 rebounds.