JAKARTA/PANGKALAN BUN, Indonesia (AP/Reuters)— Natagpuan ng mga diver ang isang black box noong Lunes at sunod na nakita ang isa pa mula sa eroplano ng AirAsia na bumulusok mahigit dalawang linggo na ang nakalipas sa Java Sea, na ikinamatay ng 162 kataong sakay nito, sinabi ng isang opisyal ng gobyerno.

Ang cockpit voice recorder ay natagpuan ilang oras matapos opisyal na inihayag na nahila na ang flight data recorder sa ilalim ng pakpak ng eroplano at naiahon sa dagat, sinabi ni Suryadi Bambang Supriyadi, operation coordinator ng national search and rescue agency ng Indonesia.

Gayunman, sinabi niya na ang voice recorder ay nananatiling nakaipit sa ilalim ng mabigat na wreckage, at nahihirapan ang mga diver na ito ay makuha sa lalim na 32 meters (105 feet).

Nawalan ng contact ang Flight QZ8501 sa air traffic control sa gitna ng masamang panahon noong Disyembre 28, halos kalahati sa dalawang oras na flight nito mula sa lungsod ng Surabaya sa Indonesia patungong Singapore.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“At 7:11, we succeeded in lifting the part of the black box known as the flight data recorder,” sabi ni Fransiskus Bambang Soelistyo, ang pinuno ng National Search and Rescue Agency, sa isang news conference, ilang oras bago matagpuan ang cockpit voice recorder.

Umaasa ang mga opisyal na ang black box, natagpuan sa ilalim ng wasak na pakpak ng eroplano, ay magbubunyag sa sanhi ng crash. Sinabi ng national weather bureau na posibleng dahilan ng trahedya ang bagyo.

Sinabi ng mga imbestigador na dadalhin ang recorder sa kabisera, Jakarta, para sa analysis at aabutin ng hanggang dalawang linggo para ma-download ang data.

Hindi nagbigay ng detalye si Soelistyo sa kondisyon ng flight data recorder.