AUCKLAND, New Zealand (AP)– Tila nagbalik sa panahon si Venus Williams nang magbigay ito ng vintage performance makaraang biguin si Caroline Wozniacki, 2-6, 6-3, 6-3, sa finals ng ASB classic at ipakita ang kanyang kahandaan para sa Australian Open.
Tinapos ni Wozniacki ang unang set sa loob ng 30 minuto sa likod ng unforced errors ni Williams at animo’y patungo sa pagsungkit ng kanyang ika-23 career title nang kanyang ma-break ang opening game sa ikalawang set.
Ngunit naipihit ni Williams ang momentum sa kalagitnaan ng set, nakakuha ng break at naging agresibo sa opensa kasama ang malalakas na forehand groundstrokes.
Patuloy na lumaban si Wozniacki ngunit hindi niya mapadapa si Williams, na-break si Wozniacki sa maagang bahagi ng third set, at naselyuhan ang laban sa isang service break matapos maisalba ng kanyang kalaban ang dalawang match points.
Si Williams ay naglaro sa kanyang unang torneo mula pa noong Setyembre at napanalunan ang isang WTA title sa unang pagkakataon mula noong Pebrero sa Dubai, upang maiangat ang kanyang head-to-head record kontra kay Wozniacki sa 6-1. Siya ay nakaabot sa final sa Auckland noong nakaraang taon kung saan siya natalo sa tatlong set laban sa dating No. 1 na si Ana Ivanovic.
‘’Caroline and I were training next to each other in Florida recently and I saw how hard she works,’’ sabi ni Williams. ‘’She’d do half an hour of fitness work before she even started training and I thought ‘I should be doing that’... but I didn’t. I knew it would be a tough match.”
‘’She played great and I know she’s going to have an amazing two weeks (at the Australian Open).’’
Umabot si Williams sa final na hindi nalaglag sa isang set, kanyang tinalo si Jana Cepelova, 6-1, 6-0; Kurumi Nara, 6-4, 6-1; Elena Vesnina, 6-2, 6-4; at kababayang si Lauren Davis, 6-0, 6-4.