Inalerto kahapon ang pulisya sa Pikit, North Cotabato, makaraang tangkaing pasabugan ng bomba ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang isang mataong lugar dakong 10:05 ng gabi noong Sabado.

Sinabi ni Senior Supt. Danilo Peralta, hepe ng Cotabato Police Provincial Office CPPO, na napigilan ng mga tauhan ng Task Force Pikit ang bomba na itinanim ng isang lalaki na pinaniniwalaang miyembro ng BIFF.

Namataan ng mga tauhan ni Supt. Jordine Maribojo ang isang hindi kilalang lalaki na nag-iwan ng plastic bag na naglalaman ng bomba sa gilid ng kalsada sa Datu Piang Street sa Pikit, North Cotabato.

Nang sitahin ng mga pulis ang suspek ay mabilis siyang tumakas sakay ng isang motorsiklo.

National

Kilalanin ang mambabatas na nasa likod ng Death Penalty for Corruption Act

Agad sinuri ang plastic bag at nalaman na naglalaman ito ng bala ng Rocket Propelled Grenade (RPG) na may citric acid na nakakonekta sa isang cell phone bilang triggering mechanism.

Agad rumesponde ang mga tauhan ng Explosive Ordnance and Disposal Team ng Philippine Army at agad sinira ang bomba.

Posibleng umanong target ng bomba ang mga nagpapatrulyang pulis at sundalo, ayon sa imbestigasyon.