Sisimulan ng Philippine Sports Commission (PSC) ang programa sa ‘Year of the Goat’ o Sheep sa pagsasagawa ngayon ng Sports Science Seminars Series 6-7 sa Multi-Purpose Arena sa PhilSports Complex (dating ULTRA) sa Pasig City.

Mahigit sa 500 katao ang nagpalista upang madinig ang ibabahagi ng resource speakers na sina England-born American Terrence Rowles at Olympic Council of Asia (OCA) director general Kuwaiti Husain Al- Musallam sa Series 6 na may temang ‘The Science of Training Females’.

Dagdag na tagapagsalita para sa Series 7 sa ilalim naman ng paksang Advance Functional Movement si Canadian Dr. Scott Lynn sa tatlong araw na okasyon na tatagal hanggang Miyerkules.

Ang seminar ay karugtong sa mga idinaos na sports science seminar mula pa noong 2013 hanggang sa nakalipas na taon na gamit ang mga dayuhang speakers para ipaliwanag sa national coaches at iba pang sports officials ang mga dapat matutunan sa mga bagong sistema sa aspeto ng sports.

'Kokoy Villamin' na pirmado rin sa mga transaksyon ng OVP, walang records sa PSA?

“Nakita ng PSC na nararapat na simulan ang taong 2015 sa pamamagitan ng sports seminars lalo pa’t magsisimula uli ang pagsasanay ng mga atleta para sa mga kompetisyong sasalihan. Ang mga matututunan sa seminars na ito ay makatutulong para lumalim ang kaalaman ng mga coach na dadalo,” sinabi ni PSC chairman Ricardo Garcia.

Nagtapos si Lynn ng BSc/BPHE,MSc at PhD (Biomechanics) degrees sa Queen’s University sa Kingston, Ontario, Canada, na sumailalim pa sa post-doctoral fellowship sa University of Waterloo sa Waterloo, ON, Canada at isang associate professor sa Kinesiology sa California State University na nagri-research para palawigin ang kaalaman sa biomechanics.

Isa rin si Rowles na nagsalita noong Mayo kasama si Ali Gilbert sa seminar. Siya’y advisory board member ng Sports Performance University (SPU) at may post graduate certificate sa Neuro Linguistic Programming na magagamit para sa mental toughness ng mga atleta.

At si Al-Mussalam ay dating Kuwait national swimmer noong 1973-77 na nakasali sa Pan-Arab Games, Asian Games at FINA World Championships, piloto ng eroplano noong 1978-1995 at kabilang sa pagpapatakbo sa OCA headquarters sa kanyang bansa noong 1984.