Pagtutuunan ng Philippine Sports Commission (PSC) ang selebrasyon ng kanilang ika-25 taong anibersaryo sa pamamagitan ng paggunita sa mga nagawang implementasyon at iba’t ibang programang inilatag sa nagdaang taon kung saan ay tampok din ang pagkilala sa 25 personahe na nagbigay ng malaking tulong sa pagpapaunlad ng sports sa bansa.

Sinabi ni PSC Chairman Richie Garcia na pangunahing aktibidad sa selebrasyon ng kanilang “Silver Anniversary” ay ang pagbuo sa Philippine Sports Hall of Fame at pagkilala sa 25 personalidad na nag-ambag ng kanilang panahon at talento upang bigyan ng tagumpay ang Pilipinas sa lokal at internasyonal na mga torneo.

“We (PSC Board) decided to have a year-long celebration of Philippine sport on the agency’s 25th year,” sinabi ni Garcia.

“We will be implementing a lot of sports development program and some major activities to highlight the founding anniversary of the agency,” pahayag pa ni Garcia.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Una sa listahan ni Garcia ang pagkilala sa kabuuang 25 personahe, atleta man o opisyal, na iluluklok sa Hall of Fame habang itinakda din ang pagsasagawa ng fun run, sports seminars at expo, maliban pa sa pagpapatuloy ng mga sinimulan nilang programa na Laro’t-Saya sa Parke, Batang Pinoy at Philippine National Games.

Nakatakda ring isagawa ang coffeetable book kung saan ay ilalahad dito ang tulong na nagawa sa kampanya ng Pilipinas sa iba’t ibang lokal at internasyonal na torneo na tulad ng Southeast Asian, Asian at Olympic Games hinggil sa nakalipas na 25 taon ng ahensiya.

Ilang bagong programa ang nakatakda ding ilunsad ng ahensiya ngayong taon na nakatuon sa mga Senior Citizen, Women in Sports, Sports for All at Sports for Peace.

Matatandaan na ang PSC ay itinatag sa pamamagitan ng Republic Act No. 6847 noong 1990 upang magsilbing “sole policy-making and coordinating body of all amateur sports development programs and institutions in the Philippines”.

Ang pangunahin nitong gawain ay, “to provide the leadership, formulate the policies and set the priorities and directions of all national sports promotion and development, particularly giving emphasis on grassroots participation.”